Ni Martin A. Sadongdong
Itinanggi kahapon ng Philippine National Police (PNP) na nagsasagawa ito ng background check sa mga miyembro ng media, partikular sa mga nakatalaga sa PNP beat sa Camp Crame, Quezon City.
Sinabi ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na sila ay “too busy” na sa pagbabantay sa mga kaaway ng estado, gaya ng mga terorista at iba pang rebelde, kaya wala na silang oras para tugaygayan ang media—maliban kung may ginagawang ilegal ang mga ito.
“I don’t know. As far as the PNP is concerned, ang dami na nga naming problema sa NPA, sa terrorism, problemahin pa namin ‘yung media? Hinahanap na nga namin mga Tiamzon (Benito at Wilma, Communist Party of the Philippines leaders) dahil may warrant of arrest sila tapos kayo pa na hindi naman namin kayo kalaban?” ani dela Rosa.
Nag-ugat ang isyu nang umano’y ilang pulis ang nagsagawa ng background check sa isang miyembro ng PNP Press Corps kamakailan. Iniulat na nagpunta umano ang mga pulis sa bahay ng hindi pinangalanang mamamahayag upang mangalap ng iba pang detalye.
“I categorically deny na merong effort ang PNP to monitor, to conduct background check on the media. Promise ‘yan,” ani dela Rosa.
Hinimok din niya ang mga miyembro ng media na magsumbong sa mga awtoridad “if they feel threatened.”
“Sabihin mo sa ‘kin ipa-follow up natin, ipapahuli natin. Kapag meron kayong problema, you feel endangered, na something is going through, please tell us right away. This goes out to all the members of the media,” paniniguro niya.
“Ako na ang nagsasalita, ‘Chief PNP wala kaming...’ kahit na anong gawin n’yo d’yan na paninira, gigibain n’yo kami nang husto, it’s your freedom. Kahit na galit man kami at saka kung meron man (banta), i-report n’yo sa amin,” dagdag pa niya.