Sugatan ang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) makaraang mabundol ng pampasaherong bus na sinisita nito sa paglabag sa batas trapiko sa EDSA, kahapon.
Ayon kay Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, kaagad na isinugod si Ferdinand Junio, traffic enforcer, sa East Avenue Medical Center, at nasa maayos nang kondisyon ngayon.
“We are just waiting for his X-ray and CT Scan results. He is now okay,” saad ni Pialago.
Batay sa mga report, Linggo nang umaga nang pinara at sinita ni Junio ang pampasaherong Pascual Bus dahil sa pagpapasakay at pagpapababa sa mga pasahero sa maling lugar sa EDSA, Quezon City.
Iginiit naman ni Joseph Ib-ib, driver ng bus, na hindi niya umano nakita si Junio dahil madilim pa sa lugar, kaya nabundol niya ito.
Ayon kay Pialago, ang nangyari kay Junio ang isa sa panganib na kinakaharap ng mga traffic enforcer kapag sumisita ng mga pasaway na motorista.
“There are cases wherein motorists speed off their vehicles only to evade traffic enforcers to the point of hitting him intentionally,” ani Pialago.
Hindi pa nakakapaglabas ng pahayag ni Junio sa mga imbestigador habang isinusulat ang balitang ito. - Anna Liza Villas-Alavaren