Sinulat at mga larawang kuha ni RIZALDY COMANDA
MULING nagpasarapan sa pagluluto ng mga putahe ang labing-apat na barangay gamit ang buho o kawayan, sa ikalawang Tinungbo Cooking Showdown sa Pugo, La Union nitong nakaraang Sabado.
Ang tinungbo ay isang katutubong pamamaraan ng pagluluto ng kanin at mga putahe na inilalagay sa loob ng buho (tubong) at saka iniluluto sa apoy.
Iba’t ibang uri ng putahe, gaya ng pinakbet, tinola, nilagang baboy, adobo, monggo, ginataang manok, paksiw at marami pang iba ang inihain ng mga barangay na sumali sa kumpetisyon.
Nanalo ang Barangay Ambangonan, Barangay Maoascas Norte at Barangay Tavora East at sa pagkatapos ay saka ito ipinatikim ang lahat ng mga niluto sa mga dumalong residente, na karamihan ang mga balikbayan na matagal nang inaasam-asam ang tradisyunal na pagkaing niluto sa kawayan.
Ang Tinungbo cookfest ay isa sa highlights event ng 2nd Tinungbo Festival sa bayang ito.
Ayon kay Mayor Priscilla Martin, minabuti nilang itampok ang pagluluto ng mga putahe sa kawayan, “Dahil gusto naming ibalik ang tradisyon na ito at maging daan para maengganyo ang mga residente na maipagpatuloy ang pagpapalago sa pagtatanim ng tinubong.
“Katunayan, ang putaheng niluto sa tinubong ay mas masarap kaysa iniluto mo sa kusinilya o gas stove. Ang maganda pa, kaya ito ang aming festival ay malaking sagot ang tradisyon na ito sa tumataas na presyo ng LPG (liquified petrolium gas) at kerosene ngayon, dahil mas masarap magluto na gamit ang kahoy,” pahayag pa ni Martin.
Aniya, ang Tinungbo cookfest ay isa sa binabalik-balikan ng mga balikbayan na sumusuporta ngayon sa mga programa ng Pugo municipal government para makatulong sa paglago ng ekonomiya ng bayan.