Ni MINA NAVARRO

Makakukuha ng dagdag-sahod ang mga kumikita ng minimum sa Region 1 simula sa Huwebes, Enero 25.

Ito ang iniulat ng Department of Labor and Employment (DoLE), matapos ilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-1 ang Wage Order RB1-19 at ang Implementing Rules and Regulations na nagbibigay ng P30 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa large non-agriculture at commercial fishing establishments.

Ang mga manggagawa sa medium non-agriculture establishments ay nadagdagan naman ng P20 ang suweldo, habang P13 naman ang itinaas sa arawang sahod ng mga nasa small at micro establishments at agriculture (plantation at non-plantation) sector.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Sinabi ni RTWPB-1 Chairman at DoLE-Region 1 Director Nathaniel Lacambra na saklaw ng bagong wage hike ang lahat ng manggagawa sa pribadong sektor na tumatanggap ng minimum na sahod anuman ang posisyon, katayuan sa trabaho, at anuman ang paraan ng pagbabayad sa kanilang sahod.

Gayunman, hindi saklaw ng umento ang mga kasambahay, mga nagtatrabaho sa personal na serbisyo ng iba kabilang ang mga family driver, at mga empleyado ng rehistradong barangay micro business enterprises (BMBE) na may Certificate of Authority.

“The Board has thought that the new wage adjustments will help set off the anticipated effects of price hikes on the living conditions of our minimum wage earners starting this year,” ani Lacambra.

Sa ilalim ng kasalukuyang Wage Order RB1-18, ang arawang minimum wage rates ay mula P243 hanggang P280, depende sa uri ng industriya.

Aniya, isinaalang-alang ng mga nagpasya sa bagong wage order ang socio-economic conditions sa rehiyon, at ang sitwasyon ng iba’t ibang negosyo.

Ang Region 1 ay binubuo ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan.