Muling nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) laban sa paggamit ng mga huwad na dokumento upang suportahan ang mga aplikasyon ng mga nais magtrabaho sa ibang bansa.
Sa advisory ng ahensiya, inulit nito ang mga paalala sa mga ulat at reklamo ng mga dayuhang employer hinggil sa mga peke o mga binagong sertipiko ng pagtatrabaho ng mga overseas Filipino worker (OFW), na naipadala sa Gitnang Silangan at iba pang mga bansa.
Ang pamamaraan, ayon sa POEA ay kinabibilangan ng pagsusumite ng peke o binagong employment certificate ng mga aplikante. Sa ilang kaso na ginawa ng ilang lisensiyadong recruitment agencies, pinahintulutan ng mga ito ang mga manggagawa na magpakita ng mga dokumentong susuporta sa mga nakaraang trabaho at mga kinakailangan sa training ng mga employer.
Gayunman, napatunayan na ang ilang aplikante ay hindi sumailalim o nakumpleto ang mga programa sa pagsasanay, at hindi pa nagtrabaho sa mga kumpanya o institusyon na nagbibigay ng naturang sertipikasyon.
Sa ginagawang ito ay nalalagay sa panganib ang kapakanan ng mga OFW, at kung mahuhuli ay maaaring sapilitang pauwiin ng bansa, makulong o ma-blacklist, ayon sa POEA. - Mina Navarro