ni Ric Valmonte
“ANG Saligang Batas ay maliwanag. Isinasaad dito na ang Kongreso sa botong 3/4 ng lahat ng miyembro ay pwedeng amyendahan o baguhin ang Saligang Batas. Kaya, para sa akin, ang probisyong ito ay maliwanag at hindi na kailangan pa ang interpretasyon,” sabi ni Speaker Pantaleon Alvarez sa pagdedepensa niya sa ginawa ng Kamara, na kanyang pinamumunuan, na mabilisang ipinasa ang Resolution No. 8 na nanawagan sa Kamara at Senado na magsanib bilang constituent assembly (Con-ass) na siyang magbabago sa Saligang Batas.
Ipinahiwatig niya na ang kasapiang 292 ng Kamara ay magpapatuloy kahit ayaw sumama ng Senado. Ang 3/4 na boto ng Kongreso na kinakailangan para baguhin ang Saligang Batas ay sobra-sobrang makukuha kahit wala ang mga Senador, aniya.
Kaya, ayaw sumang-ayon ng mga Senador na makisama sa Kamara sa pagbuo ng Con-ass. Ngunit ang nais nga ni Alvarez na mangyari na magkasama sa botohan, hindi magkahiwalay, ang Kongresista at Senador. “Kapag ganito ang naganap magiging balewala ang mga boto ng mga Senador sa Con-ass,” wika ni Sen. Ping Lacson.
Talaga naman. Lulunurin silang 22 Senador ng 292 na Kongresista. Kahit bumoto ang lahat ng mga Senador laban sa pag-aamyenda ng Saligang Batas sa pamamarang Con-ass, makapangyayari iyong tinuran ni Speaker Alvarez na sapat ang bilang ng mga Kongresista para makuha ang 3/4 votes na idinidikta ng Saligang Batas.
Hindi nagustuhan ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto iyong sinabi ni Alvarez na kahit hindi sumama sa kanila ang Senado, itutulak pa rin ng Kamara na umakto bilang Con-ass. “Ang 3/4 votes na kinakailangan ng Saligang Batas ay magbubuhat lang sa isang bulwagan ay maling pagbilang. Dalawang bulwagan o bicameral ang sinasabi ng Constitution,” wika ni Recto. “Kung ang aksyon ng Senado at Kamara ay kailangan para maipasa ang panukalang batas na pinapalitan ang pangalan ng barangay, paano na ang Kamara lamang ang gaganap ng napakahalagang tungkulin baguhin ang batayang batas ng bansa?” tanong niya.
Sa isyung ito, ang pag-amyenda ng Saligang Batas sa pamamagitan ng Con-ass magkasama o hiwalay, at boboto ang Senado at Kamara, may hidwaan ang letra at espirutu ng Konstitusyon. Ang pinagbabatayan ni Alvarez sa botohan, magkasama ang Senado at Kamara, ito ang magiging letra ng Saligang Batas.
Aniya, maliwanag ito at hindi na kailangan ng interpretasyon. Pero, ang mga Senador, tulad nina Ping Lacson at Ralph Recto ay nakasandig sa espiritu nito. Ang uri ng lehislatura sa dalawang bulwagang ito ay sumusuporta sa kanilang posisyon na magkahiwalay ang botohan. Sa ganitong sitwasyon, na hindi magkasunod ang letra at espiritu ng probisyong binanggit ng Speaker, ang espiritu ang mananaig. Kaya, magkahiwalay na boboto ang Senado at Kamara upang mamintina ang “institutional equality” ng mga ito, ayon kay dating Chief Justice Reynato Puno. Dahil ang Saligang Batas mismo ang nagtatakda na ang Senado ay binubuo ng 24 na Senador na iluluklok ng taumbayan sa buong bansa at Kamara, ng mga Kongresistang iboboto ng bawat distrito at Party-list Representative sa buong bansa rin, ginawa mismo nito na napakalaki ang bilang ng mga kasapi ng Mababang Kapulungan. Kung ang letra ng Constitution ang mananaig ayon sa interpretasyon ni Alvarez, tama si Sen. Lacson, mababalewala ang Senado gayong ito at ang Kamara ay magkapantay lang sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Ang napalaking problema ng taumbayan ngayon, mahirap asahan ang kasapian ng Kamara na maayos nilang gagampanan ang kanilang tungkulin na baguhin ang Constitution, ayon sa kanilang interes at sa mga susunod nilang henerasyon. Halos lahat sa kanila ay political butterfly na dumadapo sa mga bulaklak na may masisimsim silang bango at tamis. Ipagpalagay natin na nanaig din ang posisyon ng Senado, na hiwalay ang botohan, gaano nakatitiyak ang taumbayan na ang mga Senador ay laban sa pagbabago ng Saligang Batas sa pamamagitan ng Con-ass na naganap na sa Kamara?