MAGSASAGAWA ang mga Pilipinong doktor na nakabase sa Amerika ng kauna-unahang medical at surgical mission sa Palawan ngayong taon, sa bagong tayong Aborlan Medicare Hospital sa Barangay Ramon Magsaysay.
Magsisimula ang medical mission ngayong Lunes, Enero 22 hanggang sa Miyerkules, Enero 42, ayon kay Provincial Information Officer Gil Acosta Jr.
Ito ay pangungunahan ng North Texas Association of Philippine Physicians (NTAPP). katuwang sina Governor Jose Alvarez, 3rd District Congressman Gil Acosta, 3rd District Board Member Albert Rama, at ang pamahalaang pambayan ng Aborlan.
Inihayag ni Acosta na binubuo ang NTAPP ng 44 na Pilipinong doktor na dumating sa bansa nitong Linggo, upang magbigay ng libreng medical at minor surgical services sa mahihirap sa Aborlan.
Kabilang sa mga serbisyong ibibigay ang pagtutuli, pagsasaayos ng bingot, breast-lumpectomy, biopsy, simple mastectomy, herniorrhaphy, hysterectomy-myomectomy, oophorectomy, appendectomy, colon resection na may end to end anastomosis, amputation para sa gangrene, thyroidectomy, lysis adhesions, colostomy, cesarean section, at tubal ligation.
Sinabi ni Dr. Maria Arlin Josue, direktor ng Aborlan Medicare Hospital, na napaghandaan na nila ang medical at surgical mission, at sabik na matulungan ang mga residente ng Aborlan.
“Para sa mga nais makibahagi sa naturang aktibidad, maaaring makipag-ugnayan sa mga Operation Centers ng Rescue 165 na nakatalaga sa mga munisipyo sa lalawigan,” aniya.
Ang Aborlan Medicare Hospital ay isang 50-bed capacity hospital sa Aborlan, matatagpuan may 69 na kilometro mula sa kabisera ng lalawigan, ang Puerto Princesa City.
Naipatayo ito gamit ang pondo mula sa Department of Public Works and Highways, sa Department of Health-Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawa), sa pamahalaang panglalawigan ng Palawan, at sa lokal na pamahalaan ng Aborlan.
Isa ito sa 15 iba pang itinatayong ospital sa iba’t ibang munisipalidad sa Palawan, kabilang ang isla ng Coron. - PNA