ni Dave M. Veridiano, E.E.
MAKARAAN ang limang buwan, mula nang mapatay nang walang kalaban-laban ang magkaibigang binatilyo na sina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” De Guzman, ay umusad na rin ang kaso laban sa dalawang Caloocan police na sangkot sa pagpatay sa kanila.
Two counts ng kasong MURDER ang isinampa laban kina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita sa 35-pahinang resolusyon na inihain sa Caloocan Regional Trial Court (RTC) ng Department of Justice (DOJ).
May bonus pa ang kasong murder nina Perez at Arquilita – mga kaso ng “planting of evidence” nang taniman nila ang batang biktima ng baril, marijuana at shabu sa isinampa nilang kasong paglabag nito sa ilalim ng Section 38 ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act. May kasama pa rin itong two counts ng reklamong torture…Di na masama para sa limang buwang paghihintay!
Naganap ang pagpatay kay Arnaiz, isang 19 na taong gulang na dating estudyante ng University of the Philippines (U.P.) noong Agosto 18, 2017 sa may C3 Road sa Caloocan City, nang makipagbarilan umano ito sa mga Caloocan Police na rumesponde sa sumbong ng isang taxi driver na si Tomas Bagcal na umano’y tinangkang holdapin ni Arnaiz at kasama niyang si “Kulot” – wala sa eksena ng barilan si “Kulot” at lumutang lamang ang pangalan nito nang magkuwento ang mga magulang ni Arnaiz na magkasama ang dalawa noong gabi ng Agosto 17, 2017 para bumili ng makakain.
Nawawala si “Kulot” at natagpuang patay siyang sa isang creek sa Gapan City sa Nueva Ecija makaraan ang 18 araw na tadtad ng saksak sa katawan, at positibo itong kinilala ng mga kamag-anak ng biktima.
Ang “kuwento” ng taxi driver na si Bagcal – na umano’y magkasama sina Arnaiz at “Kulot” nang siya ay holdapin ng dalawa -- ang naging pangunahing ebidensiya ng mga pulis laban kay Arnaiz. Ang testimoniya niyang ito ang nagpahirap sa kasong ipinaglalaban at sinusuportahan ng mga grupong tumutuligsa sa walang habas na pagpatay sa kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga sindikato ng droga sa bansa.
Ito rin ang pangunahing dahilan kaya tumagal ng ganito bago nasampahan ng kaso ang dalawang pulis at ito rin ang dahilan kaya isinama sa kaso ng mga pulis ang taxi driver… Subalit nang baguhin ni Bagcal ang kanyang kuwento, nakasilip ng butas ng “probable cause” ang DoJ sa reklamong inihain ng mga kamag-anak ng dalawang binatilyo laban sa mga pulis kaya mabilis na inihain ang kaso.
Kasunod nito ay ibinasura naman ng DOJ ang reklamo laban kay Bagcal dahil din sa kawalan ng “probable cause” at nagamit pang ebidensiya laban sa mga pulis ang bago niyang testimoniya, na ipinagdiinan niyang BINANTAAN siya nina Perez at Arquilita kaya naging paiba-iba ang kanyang pahayag sa pagkamatay ng dalawang binatilyo.
Ang resolusyon para sa two counts ng kasong MURDER ay aprubado ni Acting Prosecutor General Jorge Catalan at pirmado rin ng mga miyembro ng panel of prosecutors na kinabibilangan nina Senior Assistant State Prosecutor Ma. Emilia Victorio at Assistant State Prosecutors Gilmarie Pacamara at Alejandro Daguiso.
Tunay na “mahaba ang kamay ng hustisya” at kahit ano pa ang mangyari ay siguradong maaabot nito ang mga salarin na yumuyurak at sumasalaula sa ating batas.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]