Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
Sumang-ayon ang Palasyo na kailangan munang ipaintindi sa mamamayang Pilipino kung ano talaga ang federalismo bago isulong ng gobyerno ang pagbabago sa Konstitusyon.
“Bago naman po tayo magkaroon ng plebisito, eh talaga naman pong iyong voter’s education ay importante,” sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga mamamahayag sa Kalibo, Aklan kahapon.
“So doon po sa budget na gagawin [ng Congress] para doon sa plebisito, eh importante po na maglaan din ng substantial amount nang maintindihan ng mga tao kung ano talaga ang ninanais nating baguhin sa Saligang Batas,” dugtong niya.
Binigyang-diin ni Roque na layunin ng federalismo na ma-decentralize ang gobyerno upang mas makikinabang ang mga lalawigan o federal states, sa kanilang yaman. Sa ilalim ng isinusulong na federalismo ng administrasyon, hahatiin ang bansa sa limang federal states -- ang Luzon, Visayas, Mindanao, Metro Manila, at Bangsamoro.
Nauna nang ipinahayag ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na kailangang ipaunawa muna sa taong bayan ang federalismo dahil karamihan ng mga botante ay hindi ito naiintindihan.
Pero ang problema... alam mo sabi nung survey, biro mo three-fourths ng Pilipino, di nila alam na may Saligang Batas,” ani Panelo sa Radyo Pilipinas.
“Kung ang Pilipino ay hindi ka malakas makaintindi, walang aral, kasi majority illiterate, na mga botante natin, iyong lumalabas. Kailangang bigyan muna natin sila ng formal education, bago tayo gumawa ng ganyan,” dugtong niya.
'DI MANGHIHIMASOK
Pinanindigan ng Malacañang na hindi makikialam si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso at bilang Chief Executive ay igagalang ang kalayaan ng legislative body.
Hindi pa naayos ng dalawang kapulunga ang kanilang magkakaibang posisyon sa pagsusulong ng paglilipat sa federal type of government. Nais ng Senado na hiwalay na pagbotohan ang Charter change habang iginigiit ng House of Representatives ang joint voting.
Sinabi ni Roque na naniniwala ang Pangulo na trabaho ng Kongreso na magsagawa ng mga pagbabago sa Saligang Batas at hindi makikialam sa prosesong ito si Duterte.
“Ang paninindigan po ng Presidente hindi po siya nanghihimasok sa gawain ng Kongreso. Naniniwala po kami na independiyente ang Kongreso at hindi po kami nanghihimasok, hindi po nanghihimasok ang ating Presidente,” ani Roque.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na nauunawaan ng Palasyo ang sentimiyento ng 23 senador, na dapat masusing pag-aralan ang pagbabago sa Saligang Batas dahil makakaapekto ito sa buong bansa.
“We respect our Senators if they say that they will have to study it properly and I think tama naman iyon na dapat hindi talaga madaliin ng sobra,” wika ni Andanar sa radyo DZRH.