ni Bert de Guzman
MUKHANG mababalaho ang humaharurot na Con-Ass (constituent assembly) na pinagtibay ng Kamara nang manindigan ang mga senador na lalabanan nila ang anumang pressure para sumang-ayon dito, tungo sa pag-aamyenda sa Konstitusyon para sa federal system na gobyerno o pederalismo. Tingnan natin ang tigas ng mga Senador kapag ipinatawag sila ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Mistulang tren sa bilis ang approval ng Mababang Kapulungan na karamihan ay alyado ng Pangulo sa Joint Resolution No. 9 para mag-convene ang Senado at Kamara. Madalian ding nagdaos ng caucus ang mga senador at buong pagkakaisang nagkasundo na tututulan ang anumang magkasanib na botohan sa ilalim ng Con-Ass.
Naniniwala ang mga senador na dehado sila kapag magkasanib silang boboto sa isang joint session dahil halos 300 ang kasapi ng Kamara samantalang sila ay 22 lamang (si Sen Leila de Lima ay nakakulong at si Sen. Alan Peter Cayetano ay DFA secretary na). Sila raw ay “lalamunin” lang ng super majority ng Kamara kapag magkasamang bumoto.
Sa caucus, kumporme ang mga senador sa panukala ni Sen. Panfilo Lacson na patalsikin ang sinumang kasapi nila na dadalo sa Con-Ass na ipatatawag ng Kamara sa pamumuno ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez. Maging ang kaalyado ni PRRD na si Senate Pres. Aquilino “Koko” Pimentel III, pangulo ng PDP-Laban, ay atubili sa magkasanib na pagboto ng mga senador at kongresista hinggil sa pagsususog sa Saligang Batas.
Sila ay gagawa rin ng sariling pagtalakay tungkol sa mga pamamaraaan ng pag-aamyenda ng Konstitusyon at hindi papayag na bumoto nang iisa kasama ang mga kongresista. Gusto nila ay hiwalay na botohan sa Con-Ass.
Maraming naliwanagan sa mga masalimuot na isyu na bumabalot sa isinusulong na federal sytem o pederalismo ni PDu30 nang dumalo sa pagdinig ng Senado ang tinatawag na “legal luminaries” o “legal eagles”, tulad nina ex-Supreme Court Justices Hilario Davide Jr. at Reynato Puno; ex-SC associate justice Adolf Ascuna, at ex-Senate Pres. Aquilino “Nene” Pimental Jr. Para kay Davide na 82 anyos na, hindi na kailangang susugan pa ang 1987 Constitution sapagkat ito raw ang pinakamagandang Saligang Batas sa buong mundo.
Marami ang naniniwala na kahit ano mang porma, uri at sistema mayroon ang gobyerno ng Pilipinas, wala ring mangyayari kapag mandarambong, tiwali, bulok at hindi para sa bayan ang isip at puso ng mga lider o pinuno, na hahawak sa pamahalaan. Ang kailangan daw ay hindi Cha-Cha kundi “Change of Character” ng mga lider.
Determinado ang Rappler na ipaglaban ang kanilang kaso hanggang Supreme Court kaugnay ng pagkansela ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa lisensiya o rehistro nito para mag-operate bilang online news network. Sinabi ni journalist at Rappler chief executive officer Maria Ressa noong Huwebes na ipaglalaban nila ang kanilang mga karapatan.
May naniniwala na isang “harassment” ng administrasyon ang desisyon ng SEC sa rebokasyon ng rehistro ng Rappler dahil ito raw ay kritikal sa PDu30 admin. Gayunman, may naniniwala na hindi ito panggigipit kundi isang legal na isyu bunsod ng paglabag ng Rappler sa Konstitusyon na dapat ay 100 porsiyentong pag-aari ito ng mga Pilipino at walang sapi ang dayuhan. Tumanggi si Mano Digong na siya ang nasa likod ng pagpapasara sa Rappler. Abangan!