Naglabas ang Department of Transportation ng mga bagong patakaran para sa baggage handlers sa paliparan para maiwasan ang anumang insidente ng pagnanakaw sa bagahe kasunod ng pagwawakas sa kontrata ng MIASCOR Groundhandling Corporation kamakailan.

Sa ilalim ng bagong guidelines malinaw na pinagbabawalan ang baggage handlers na magkaroon ng bulsa sa kanilang uniporme o magsuot ng loose boots o sapatos.

Ipinagbabawal din nito ang paggamit ng cellular phones, at pagsuot ng mga alahas. At inoobliga ang paggamit ng body camera sa oras ng trabaho.

Inilabas ito matapos masangkot ang anim na ground handling employees ng MIASCOR sa Clark International Airport sa Pampanga sa pagnanakaw ng aabot sa P82,824 halaga ng mga gamit sa bagahe ng isang pasahero.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nauna rito ay umapela ang kumpanya sa Pangulo “to kindly reconsider his position on behalf of our almost 4,000 regular employees and their families who will be affected.”

Ipinahayag ni General Manager Ed Monreal ng Manila International Airport Authority na nag-isyu sila ng non-renewal ng Lease and Concession Agreement sa pagitan ng MIAA at ng MIASCOR Groundhandling Corporation nitong Biyernes.

Lumiham si Monreal kay MIASCOR President Fidel Reyes na humihiling dito na “ vacate and return all premises occupied by MIASCOR inside the Airport Complex and its terminals within sixty (60) days from date.”

Pinanindigan ng Malacañang ang contract termination ng MIASCOR Groundhandling Corporation.

Ipinaliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque na wala nang dapat iapela ang aviation services provider para bawiin ng gobyerno ang desisyon nito dahil pumaso na ang kanilang kontrata.

“The contract of MIASCOR is expired,” saad sa text message ni Roque, sa gitna ng mga ulat na umapela ang kumpanya kay Pangulong Duterte.

“The position of MIAA following the order of the President is not to renew because of many pilferage cases of MIASCOR both in NAIA (Ninoy Aquino International Airport) and Clark to protect the OFW. So nothing to appeal as there is no existing contract,” dugtong niya. - Dhel Nazario at Genalyn D. Kabiling