Mahigit P200,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa walong katao, kabilang ang ginang na target ng isa sa magkahiwalay na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang bahay sa Taguig City, nitong Sabado ng hapon.
Nalambat ng mga tauhan ng PDEA ang mga pangunahing target sa operasyon na si Melchie Ortega, 42, sa pagsalakay sa bahay nito sa Pagasa Avenue sa Barangay Katuparan.
Kasama ng ginang ang dalawa niyang maliliit na anak nang pasukin ng PDEA ang kanyang bahay at kumpiskahin ang 22 gramo, ng nagkakahalaga ng P110,000, at drug paraphernalia.
Todo-tanggi naman si Ortega na nagbebenta siya ng droga, at ikinatwirang ipinatago lang umano sa kanya ng hindi pinangalanang kaibigan ang mga nasabat na droga.
Hinala ng suspek, isinumbong lang siya ng kapitbahay na may galit sa kanya.
Samantala sa pagsalakay sa isa pang bahay sa Balimbing Street sa Bgy. North Signal Village ay nadakip sina Kim Joy Altobano, 35; Maximo Que Matias, 40; Albert Altobano, 48; Ronaldo Peñano, 53; Rey Costinar, 20; Jerald Tolop, 29; at Jonathan Baltazar, 32, matapos masamsam umano mula sa kanila ang 20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P100,000. - Bella Gamotea