KABUL (REUTERS, AFP) – Winakasan ng Afghan Special Forces ang magdamag na pag-atake sa Intercontinental Hotel kahapon, sa pagkamatay ng huling gunman sa grupo ng tatlong lumusob sa hotel, nang-hostage, at nakipagbarilan sa security forces sa loob ng 11 oras.
Dalawa sa mga armadong suspek ang namatay nitong Sabado ng gabi. Unang iniulat na apat ang armadong umatake sa hotel.
Sinabi ni Interior Ministry deputy spokesman Nasrat Rahim na limang Afghan at isang banyaga ang napatay at anim ang nasugatan. May 153 katao, kabilang ang 41 banyaga, ang inilikas.
Nangyari ang raid ilang araw matapos magbabala ang U.S. embassy sa mga posibleng pag-atake sa mga hotel sa Kabul. Inako ng Taliban ang pag-atake.
Sinabi ng hotel manager na si Ahmad Haris Nayab, ligtas na nakatakas, na sa kusina dumaan ang mga umatake at dumiretso sa main part ng hotel, nagpaulan ng bala at hinostage ang ilang empleyado at bisita.
Ang Intercontinental Hotel, isang magarbong 1960s structure na nakatayo sa tuktok ng isang burol at guwardiyado gaya ng karamihan ng public buildings sa Kabul, ay dati nang inatake ng mga militanteng Taliban noong 2011.