Ni Liezle Basa Iñigo
SAN MARIANO, Isabela – Isang lalaki ang kumpirmadong patay habang 10 iba pa ang nasugatan nang mahulog sa palayan ang sinasakyan nilang 6x6 truck sa Barangay San Pablo sa San Mariano, Isabela.
Nabatid sa report ni Chief Insp. Vicente Guzman, hepe ng San Mariano Police, na ang pulang 6X6 truck (BCR-501) ay minamaneho ni Rodalyn Ortaliza, 28, ng Bgy. Balliao, Benito Soliven.
Nabatid na nagbigay-daan si Ortaliza sa kasalubong na truck at sa paggilid niya sa kalsada ay tuluy-tuloy na nahulog ang sasakyan sa tatlong-metro ang lalim na palayan dahil malambot ang lupa sa gilid ng highway dulot ng ulan.
Nasawi ang pasahero ng truck na si Rubilno Amistad, habang sugatan naman sina Perlia Casisola; Rodel Plan, 41; Ronalyn Plan, 37; Jonathan Tupinio, 48; Moriz Lapastora, anim na buwan; Gloria Malabad, 59; Rodilyn Tupino, 47; Rema Pasites; Bida Ortaliza; at Efren Quinto, 49, pawang residente ng Bgy. Ballao, Benito Soliven, Isabela.
Dinala ang mga biktima sa San Mariano Community Hospital sa Bgy. Sta. Filomea, San Mariano, Isabela.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Ortaliza.