Ni Rommel P. Tabbad at Aaron B. Recuenco
“Huwag maging kampante.”
Ito ang babala kahapon ni Science Research Specialist head Mariton Bornas, ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), sa libu-libong residente sa paligid ng Bulkang Mayon sa Daraga, Albay.
Aniya, bagamat bahagyang kumalma ang pag-aalburoto ng bulkan ay hindi pa rin dapat na balewalain ng mga residente ang posibilidad ng pagsabog nito, at ang panganib na maaaring idulot ng bulkan.
Ito ay makaraang magsiuwian na ang karamihan sa mga lumikas. Mula sa halos 40,000 evacuee na naitala nitong Huwebes, aabot na lang sa 27,643 katao ang nananatili ngayon sa mga evacuation center sa Albay.
“Mayon is unpredictable,” sabi ni Bornas, tinukoy ang makakapal na ulap na bumabalot sa crater ng Mayon.
Aniya, nakitaan din ng pamamaga sa dalisdis ng bulkan, na indikasyon na umaakyat ang magma sa bunganga nito.
Aabot na rin, aniya, sa 6 million cubic meter ang lava na ibinuga ng bulkan sa ilang bahagi ng Daraga, at nakapagpalabas din ng 1,131 tonelada ng sulfur dioxide.
“I would like to dispel any notion that since there were decreases in its activity, the explosive eruption is already unlikely. That is not true. We are still looking at several parameters,” sabi ni Bornas. “We have to look at all the parameters on a daily, hourly basis for changes because any thing could still happen anytime.”
Kasalukuyan pa ring nakataas sa Alert Level 3 ang bulkan.