PATUNGO si Pope Francis sa Chile nitong Lunes, Enero 15, para sa pagsisimula ng kanyang pagbisita sa South America nang sabihin niyang nangangamba siyang sumiklab ang digmaang nukleyar anumang oras. “I think we are at the very edge,” aniya. “One accident is enough to precipitate things.”
Nasa isip ng Santo Papa ang banta ng North Korea, na ang pinunong si Kim Jong Un ay paulit-ulit na ipinagmalaki sa Amerika na mayroon na itong mga intercontinental ballistic missiles na armado ng nuclear warheads na maaaring pumuntirya sa alinmang siyudad sa Amerika.
Sa kaparehong araw na nagpahayag ng pangamba si Pope Francis, inulat ng Japanese Coast Guard na napadpad sa dalampasigan ng gitnang Japan ang isang sira-sirang bangka na mayroong bangkay ng pitong North Korean. Sinabi ng Coast Guard na ito ang huli sa dumadaming insidente ng pagkakapadpad sa Japan ng mga bangkang pangisda mula sa North Korea na mayroong mga bangkay ng tripulante — umabot sa 66 noong 2016, habang 104 naman noong 2017. Pinaniniwalaang napalayo ang paglalayag ng mga mangingisda sa hangad na makarami ng huli, kasunod na rin ng pagpapaupad sa mga economic sanctions na ipinataw ng United Nations (UN) laban sa North Korea.
Tiniis ng North Korea ang lahat ng parusang ipinataw ng UN sa nakalipas na mga taon, habang ipinagpapatuloy ang mga nuclear at missile test nito. Malinaw na nagdurusa ang bansa sa patuloy nitong paninindigan na kinakailangan nito ang mga nukleyar na armas laban sa Amerika, na nagposisyon na ng mga aircraft carrier at destroyer nito sa karagatan ng Korea.
Kung hindi ito natitinag at nagsisimula nang magdusa ang mamamayan nito dahil sa mga economic sanction ng UN, ano ang maaaring asahan ng mundo mula sa North Korea?
Ito ang dahilan ng pagpapahayag ng pagkabahala ni Pope Francis nitong Lunes. Isang munting pagkakamali lamang at maaari nang sumiklab ang digmaan — isang button lang ang kakalabitin upang magpalipad ng mga missile sa teritoryo ng kalaban. Inakalang napindot ang button na ito nitong Sabado, Enero 13, makaraang bigyang babala ang mamamayan ng Hawaii laban sa ballistic missile na puntirya ang isla. Nabatid kalaunan na isang taga-Hawaii ang nakapindot sa maling warning button.
Ito marahil ang nasa isip ni Pope Francis nang magpahayag siya ng kanyang pangamba sa digmaang nukleyar nitong Lunes.
Hindi kinakailangan ang aktuwal na missile attack upang simulan ang giyera; maaari itong sumiklab sa pagsagi lamang sa maling button. Isang pagkakamali na hindi maaaring tugunan ng isa pang pagkakamali, at kaagad na magpalitan ng missile ang magkabilang panig.
Nakikiisa tayo sa pagkabahala ni Pope Francis. Subalit inaasahan natin na ang mga responsableng opisyal ng lahat ng panig — sa Amerika, sa North Korea, sa South Korea, sa Japan, sa China, at sa United Nations — ay malinaw na mauunawaan kung gaano nakabingit ang mundo sa ngayon sa panganib ng digmaang nukleyar at pagkapulbos ng sangkatauhan, at dapat na kaagad na umaksiyon upang mapawi ang nakaamba at nakapanghihilakbot na panganib na ito.