Ni PNA

PINAALALAHANAN ng Department of Education (DepEd) ang publiko na hanggang Marso 31 na lamang tatanggapin ang mga nominasyon sa mga natatanging guro para sa paggagawad ng Metrobank Foundation, Inc. (MBFI) 2018 Outstanding Filipinos award.

Inilunsad noong nakaraang buwan ng MBFI ang nasabing parangal sa Education Summit, at pormal nang binuksan sa unang bahagi ng buwang ito ang paghahanap ng nominasyon.

Ang nasabing parangal ng MBFI — na igagawad sa mga kuwalipikadong guro, sundalo, at pulis — ay “tribute to selflessness, courage and social responsibility of Filipinos”, partikular na ang mga nagkaloob ng hindi matatawarang serbisyo na higit pa sa kanilang tungkulin.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Inihayag ni MBFI Executive Director Nicanor Torres na hanap ng foundation ang mga tao na sa kabila mga kakulangan at pagsubok sa buhay ay nananatiling nagpupursige na makapag-ambag ng kanilang kakayahan at tulong sa kani-kanilang komunidad.

Kuwalipikado ang mga indibiduwal na hindi matatawaran ang naging kontribusyon sa kanyang bansa, ayon kay Torres.

“We are looking for those who transform lives, make a difference and inspire others,” aniya.

Sampung Pinoy ang gagawaran ng parangal at pagkakalooban ng P1 milyon gantimpala. Ayon sa DepEd, ang sampung pararangalan ay bubuuin ng apat na guro, tatlong sundalo, at tatlong pulis.

“Winners of local awards organized by provinces and municipalities for outstanding teachers are encouraged to join, provided the eligibility requirements are met,” ayon sa DepEd.

Pangunahing mga kuwalipikasyon ang pagkakaroon ng Master’s degree ng mga guro sa elementarya at high school, doctorate degree sa mga propesor sa kolehiyo, mahigit 10 taong karanasan sa pagtuturo, at may “very satisfactory” performance rating sa nakalipas na sampung taon.

Sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang pagkakaloob ng pagkilala sa mga karapat-dapat na indibiduwal ay magdudulot dito ng higit pang inspirasyon sa guro at sa buong bansa upang magtulung-tulong sa pagsusulong ng isang progresibong lipunan.

Maaaring ipadala ang mga nominasyon sa tanggapan ng MBFI sa 4th floor Executive Offices, Metrobank Plaza, Gil Puyat Avenue sa Makati City.

Ang iba pang detalye sa nominasyon ay maaaring masilayan online sa mga website ng DepEd at ng MBFI, gayundin sa Outstanding Filipinos page ng MBFI sa Facebook.