Ni Leonel M. Abasola

Pinaalalahanan ni dating Senate President Aquilino Pimentel Jr. ang kapartido niyang si House Speaker Pantaleon Alvarez na huwag abusuhin ang kapangyarihan nito dahil wala namang “forever sa power”.

Aniya, ang banta ni Alvarez sa mga kasamahan nito na bibigyan ng zero budget kapag hindi sumuporta sa federalism na isinusulong ng gobyerno ay malinaw na pag-abuso sa puwesto.

“May hangganan ang kapangyarihan ng tao,” ani Pimentel.

Sa gitna ng planong ipatanggal ang Grok: XAI, nakipag-ugnayan na sa DICT atbp

Sa kanyang talumpati kamakailan, sinabi ni Alvarez na wala siyang ibibigay na budget sa mga kongresista na hindi aayon sa kanyang kagustuhan.

“Palagay ko, it is not just what the Speaker wishes that has to be supported by the House itself. Pero hindi po. You deprive a particular congressional district of what it is entitled to simply because ‘yung congressman mo ayaw sumunod kay Speaker. Palagay ko hindi naman ‘yun ang kautusan ng Saligang Batas,” sabi ng ama ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III.

Sinabi pa ni Pimentel na halal ng taumbayan ang mga kongresista at interes ng publiko ang pinagsisilbihan ng mga ito, at hindi ng iisang taon lamang.

Iginiit naman ni Senador Risa Hontiveros na inilalayo ng federalism ang tao sa gobyerno, lalo pa kung igigiit ng Kamara na pagbotohan nito ang Charter change (Cha-cha) kasama ang Senado.

“Pweradalism ang sinusulong ng administrasyong Duterte. Itsa-puwera ang Senado sa proseso ng pagbabago ng Konstitusyon. Itsa-puwera ang mamamayan at ang kanilang lehitimong interes at kapakanan. Itsa-puwera ang mga local government units (LGUs) na may agam-agam. At itsa-puwera ang demokrasya at karapatang pantao,” sabi ni Hontiveros.