Ni Fr. Anton Pascual
KAPANALIG, malaki at malawig ang planong pang-imprastraktura ng pamahalaan. Ang Build, Build, Build Program nito ay naglalayong maglatag ng mga road networks, mahahabang tulay, flood control at urban water systems, mga pasilidad para sa public transport gaya ng mga ports o daungan, airports o paliparan, at mga riles ng tren.
Malalaking mga proyekto ito at nangangailangan ito syempre ng malaking workforce. At sino pa ba ang magiging bida dyan, kundi ang ating mga construction workers—mga mangagagawang ating kadalasang hindi pinapansin kahit sila pa ang backbone o gulugod ng construction industry ng bansa.
Kamusta nga ba ang kanilang kalagayan?
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) noong 2016, binubuo ng construction industry ang 8.2% ng total employment ng bansa. Noong 2016, mga 3.372 milyong construction workers ang nabigyan ng trabaho sa bansa. Mas mataas ito ng 25% kaysa noong 2015. Pihadong madagdagan pa ito lalo’t mas maraming imprastrakturang itatatag sa ating bansa ngayon.
Kaya lamang, base na rin sa 3rd Construction Industry Authority of the Philippines dialogue with the construction industry key players, kailangan na rin patatagin ang kakayahan at itaas ang kasanayan ng ating mga workers. At dahil na rin sa napipintong pagtaas ng inflation rate, kailangan ng mas mataas na sahod ng mga construction workers at mas maayos na enforcement ng mga wage o sweldo, upang makatarungan naman ang kanilang kita.
Kaya nga’t mahirap para sa marami nating mga construction workers ang magtraining. Ito ay hindi dahil sa ayaw nila, kundi dahil sa kakulangan sa pera. Marami sa kanila ang impormal at walang sertipikasyon. Gastos kasi iyon na hindi kaya lalo na’t isang kahig isang tuka ang marami sa kanila at arawan ang kita. Kapag impormal, hindi rin masisigurado na minimum wage ang kikitain nila kada araw.
Hindi lamang kasanayan at kita ang dapat isalang-alang pagdating sa mga construction workers. Kailangan ding tiyakin ang kanilang kaligtasan. Ang napipintong construction boom ay hindi dapat makompromiso ang buhay at kaligtasan ng mga manggagawa.
Sa panahon ng Build, Build, Build, dapat isali din natin ang pagpapatatag ng hanay ng mga construction workers. Hindi lamang ito magpapabuti ng kanilang buhay, magpapabuti rin ito ng industriya. Kapag na-professionalize at nabigyan ng kasanayan ang isang sector, mas mataas ang kalidad ng kanilang gawa, na mas makakabuti naman sa lipunan.
Maging gabay sana natin ang mga kataga mula sa Rerum Novarum, bahagi ng Panlipunang Turo ng ating Simbahan: “Bantayan dapat ng administrasyon ang interes ng mangagagawa upang makinabang naman sila sa bunga ng lipunan na kanilang tinulungang palaguin. Ang kanilang kabutihan ay dapat nating tiyakin.”