Ni NITZ MIRALLES
KAHIT showing na ang Ang Dalawang Mrs. Reyes, tuluy-tuloy pa rin ang pasasalamat ni Angelica Panganiban kay Judy Ann Santos na nagkasama sila sa pelikula.
Sa isa sa latest posts sa social media ni Angelica ng picture nila ni Judy Ann, may magandang mensahe siya.
“Ate, maraming salamat sa desisyon na tanggapin ang pelikula. Salamat dahil natupad ang pangarap ko na makasama ka sa isang pelikula. Dinadasal ko lang, eh. ‘Tapos binigay. ‘Tapos nu’ng binigay, sa malaking pamamaraan ginawa. Salamat at hinayaan mo ‘kong makilala ka sa mas malalim na pagkakataon. Hinayaan mong maging kaibigan ka. At higit sa lahat, salamat kasi, may forever na ‘ko ngayon sa ‘yo. I love you, ate pechay ko. Congratulations Lianne.”
Ang Lianne ay pangalan ni Judy Ann sa Ang Dalawang Mrs. Reyes at Candy naman ang pangalan ni Angelica. Ang huhusay ng dalawa sa kanya-kanyang role at naikuwento ni Direk Perci Intalan ng IdeaFirst Company, co-producer ng pelikula kasama ng Quantum Films at Star Cinema, na tahimik lang si Angelica bago kunan ang mga eksena niya, pero laging on point ‘pag umarte at ‘pag nag-deliver ng dialogue.
Kay Judy Ann naman, iba’t ibang iyak ang nakita ni Direk Perci. Kung baga, ibinabase nito sa eksena ang klase ng iyak na ikinabilib sa kanya ng director.
Anyway, nagkatotoo rin ang binanggit ni Angelica sa presscon na mapapadalas ang pakikipagkita niya kay Judy Ann dahil a week ago, kasama niya ang aktres, ang mister nitong si Ryan Agoncillo at Pia Guanio sa dinner sa isang Japanese restaurant.
Showing pa ang Ang Dalawang Mrs. Reyes na nagpapatawa, nagbibigay saya, at nagpapaiyak sa moviegoers. Ang gagaling din nina Joross Gamoa at JC de Vera at nakakaaliw ang role at karakter ni Nico Antonio.
Of course, congratulations din sa kanilang direktor na si Jun Lana na sumulat din ng script katuwang si Elmer Gatchalian.