Ni BELLA GAMOTEA
Aabot sa 1,000 empleyado ang naapektuhan ang trabaho matapos na tupukin ng mahigit pitong oras na sunog ang dalawang gusali ng pinagtatrabahuhan nilang pabrika sa loob ng Cavite Economic Zone (CEZ) sa bayan ng Rosario sa Cavite nitong Biyernes ng gabi.
Sa inisyal na ulat ni Cavite Provincial Fire Marshal Supt. Aristotle Bañaga, dakong 4:49 ng umaga nang nagsimula ang apoy sa spruce cutting area sa gusali ng House Technology Industries (HTI), kung saan pinuputol ang mga kahoy sa CEZ.
Nabatid na sa nasabing lugar sa HTI pinuputol ang mga kahoy at ginagawa ng pabrika ng mga tsunami-proof at earthquake-proof na bahay na ini-export sa Japan.
Mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang SCAD Services, kung saan naman binubuo ang mga bintana at pinto ng nasabing mga bahay.
Kaagad rumesponde ang mga bombero at mahigit 40 fire truck ng Bureau of Fire Protection (BFP) at umabot sa Task Force Alpha ang sunog bago idineklarang fire under control bandang 11:49 ng gabi.
Kinumpirma naman ni Cavite Gov. Boying Remulla na walang mga empleyado sa loob ng gusali nang mangyari ang sunog kaya masuwerteng walang nasaktan o namatay, bagamat aabot sa 1,000 manggagawa ang naapektuhan.
Sinabi naman ni Remulla na handa ang pamahalaang panglalawigan na ayudahan ang mga apektadong empleyado.
Patuloy na inaalam ng awtoridad ang sanhi ng sunog sa lugar, at kung may paglabag ang Housing Research and Development Group of Companies na nagmamay-ari sa pabrika.