Ni Nora Calderon
MASAYANG bumati si Rafael Rosell nang bumisita kami sa set ng Impostora na ilang taping days na lamang si Direk Gina Alajar at tapos na nila ang isa sa top-rating afternoon prime drama series sa GMA-7.
Si Rafael Rosell ay gumaganap bilang si Homer sa istorya, first wife niya si Rosette hanggang magkaroon ng twist at si Nimfa na ngayon ang wife niya, na magkamukha (Kris Bernal). Kung siya ang masusunod, bilang si Homer na ang laki-laki na ng hirap dahil sa asawang si Rosette at sa tunay niyang mahal na si Nimfa, ano ang gusto niyang maging finale ng serye na eight months nang napapanood?
“Kung ako po, mas gusto ko ang twist na lahat ng mga nangyari sa akin, sa aking pamilya, ay kagagawang lahat ni Ate Trina (Assunta de Rossi) na sa simula pa lang ay nakikialam na sa buhay namin ni Rosette, hanggang sa dumating si Nimfa,” napangiting sagot ni Rafael.
“Pero alam ko mas magandang ending ang gusto ng televiewers na patuloy na sumusubaybay kung ano ang magiging katapusan ni Rosette at kung liligaya na ba si Nimfa. Nasa akin na po ang final script pero hindi ko pa nababasa dahil sunud-sunod ang taping namin na usually, nagsisimula kami ng 5:00 AM. Ayaw ko rin po munang malaman kung ano ang magiging ending ng aming serye.
“Pero ngayon pa lamang gusto ko nang magpasalamat sa lahat ng televiewers na patuloy na sumusubaybay. Marami akong natutunan habang ginagawa ko ito at p’wede kong i-apply sa sarili kong buhay. Dahil po rito, naging maging maganda ang journey ko sa 2017, na masasabi kong the best time of my career dahil sa Impostora.”
Samantala, wala pa silang balak magpakasal ng kanyang girlfriend na very supportive sa kanya.
May kasunod na ba siyang project after ng Impostora?
“Wala pa namang sinasabi sa akin ang manager ko, na susunod kong project, pero sana’y magkaroon pa ako ng isa dahil sa August 2018 pa naman matatapos ang exclusive contract ko sa kanila. I love working with GMA and I’m very thankful.”