NOBYEMBRE 2017 pa lamang ay umapela na tayo sa Kamara de Representantes na agarang desisyunan ang mga kaso ng impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Setyembre 13 nang ihain ang kaso, na inendorso ng 25 mambabatas, at inaprubahan bilang “valid complaint” ng Committee on Justice sa botong 10-4 noong Oktubre 5.
Nagpatuloy ang komite sa pagsasagawa ng serye ng pagdinig at posibleng nakapagpasya na noong Nobyembre kung mayroong “probable cause” ang reklamo. Subalit nagpatuloy ang mga pagdinig at ipinatawag ang maraming testigo, kabilang ang ilang mahistrado ng Korte Suprema na tumestigo laban kay Sereno. Sapat na marahil ang napakinggan ng komite upang pagbotohan ang isyu ng “probable cause” upang maidiretso na ang kaso sa Kamara para pagbotohan nito. Apat na buwan na ang nakalipas simula nang maihain ni Atty. Larry Gadon ang reklamo noong Setyembre 13 at nagpatuloy ang mga pagdinig gaya ng itinakda.
Sa pagdinig ng komite nitong Lunes, sinabi ng chairman nito na nais nilang imbitahan sa susunod ang psychiatrist na nagbigay ng bagsak na marka sa psychological makeup ni Sereno noong nominado pa lamang ito sa Judicial Bar and Council. Ang testimonyang gaya nito ay maaaring makapagpababa pa sa public esteem ni Sereno, subalit mistulang wala naman itong kinalaman sa kaso ng impeachment na, batay sa Section 2 ng Article XI ng Konstitusyon, ay layuning matukoy kung si Sereno ay nagkasala sa “culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of public trust”.
Noong nakaraang linggo, inihayag ni Rep. Reynaldo Umali, chairman ng komite, na ang kaso ng impeachment ay “done deal” na. Naniniwala kaming ito na nga ang sitwasyon sa Kamara. Kaya naman hindi na kailangan pang magdaos ng karagdagang mga pagdinig. Mismong si Speaker Pantaleon Alvarez ay nagdeklara sa publiko na matibay ang mga pagbabatayan sa mga usapin laban kay Chief Justice Sereno.
Magiging mas abala pa ang Kongreso. Katatapos lang nitong aprubahan ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act at pinaghahandaan naman ngayon ang Constituent Assembly (Con-Ass) upang amyendahan ang Konstitusyon.
Matagal na sana nitong natapos ang impeachment case ni Sereno ilang buwan na ang nakalipas sa pagsusumite nito sa Senado para sa paglilitis, upang matutukan naman ang mga pagpupursige para amyendahan ang Konstitusyon, sa harap na rin ng mahahalagang usaping nakakawing dito, kabilang ang panukalang federalism, panukalang unicameral legislature na may prime minister, pagtatanggal sa puwesto ng bise presidente, at maraming iba pang pangunahing pagbabago na makaaapekto sa bansa at sa mamamayan nito.