Ni Fer Taboy

Agaw-buhay ang isang bagong silang na sanggol matapos na ibalibag sa semento bago itapon sa kanal sa Barangay Irisan sa Baguio City, iniulat ng pulisya kahapon.

Kinumpirma kahapon ng Baguio City Police Office(BCPO) na nananatili sa intensive care unit ng Baguio City General Hospital ang sanggol, na natagpuan sa isang kanal habang nakabalot sa plastik sa Purok 3, Bgy. Irisan sa Baguio.

Ayon kay Chief Insp. Pablo Emmanuel Nead, hepe ng BCPO-Station 9, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa itinapong sanggol.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nabatid na nasaksihan mismo ng dalawang testigo ang pagtatapon ng isang babae sa nasabing sanggol sa kanal.

Sinabi ni Chief Insp. Nead, batay sa salaysay ng mga testigo, na inihampas muna ng babae sa kongkretong pader ang sanggol na nasa plastic bago ito inihagis sa kanal.

Aniya, inakala ng kanyang mga tauhan na patay na ang sanggol, subalit nang kuhanin nila ito sa mula sa kanal ay umiyak ito, kaya kaagad itong isinugod sa ospital.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng BCPO-Station 9, apat na tao na nasa loob ng boarding house na pinanggalingan ng babaeng nagtapon sa sanggol ang itinuturong suspek sa krimen.

Nabatid na hawak na rin ng pulisya ang ina ng sanggol, habang pinaghahanap na rin ang apat na lalaking kasabwat nito sa pagtatapon sa sariling anak.