Ni Vanne Elaine P. Terrazola
Asahan na ang nakalululang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo at sa singil sa kuryente sa susunod na buwan dahil sa mga bagong excise tax na ipinatutupad alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ito ang nakumpirma sa pagdinig ng Senate Committee on Energy tungkol sa imbentaryo ng coal at petrolyo at sa inaasahang taas-presyo sa langis at dagdag-singil sa kuryente dahil sa TRAIN Law o RA 10963, makaraang sabihin ni Department of Energy (DoE) Assistant Secretary Leonido Pulido III na 90 porsiyento ng mga gasolinahan sa bansa ay inaasahang magpapatupad ng oil price hike sa huling bahagi ng buwang ito.
Ang kasalukuyang presyo ng gasolina ay madadagdagan ng P2.97 kada litro, P2.80 sa diesel, P3.36 sa kerosene, habang P1.12 kada kilo sa liquefied petroleum gas (LPG).
Nang tanungin ni Energy committee chairman Sen. Sherwin Gatchalian kung may mekanismo upang maiwasan ang pagsasamantala, inamin ni Pulido na wala silang paraan upang matukoy at maparusahan ang mga kumpanya ng langis na maaaring magsamantala sa TRAIN.
Dahil ang sektor ng langis ay “deregulated industry”, sinabi ni Pulido na maaari lamang nilang tukuyin kung tama ang taas-presyong ipinatutupad sa pag-validate sa imbentaryo na isinumite ng mga ito.
Makaraang igiit ni Gatchalian na tiyakin ng DoE ang proteksiyon ng mga consumers, sinabi ni Pulido, “We might not be able to fairy make such a statement because we are still validating whether or not their declarations were correct.
But we are doing random check and inspections. Fortunately so far, they were correct in exhausting their old inventory.”
Dagdag niya, sakaling mapatunayang ilegal ang oil price hike, papatawan ang mga pasaway ng suspensiyon o babawian ng rehistro.
Pebrero naman mararamdaman ang epekto ng TRAIN sa singil sa kuryente, ayon kay Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera.
Aniya, makaaapekto ang TRAIN sa transmission rate, o ang value-added tax (VAT) sa mga transmission company, bukod pa sa tatlong porsiyentong franchise tax ng mga ito. Tataas din, aniya, ang generation at systems loss charges.
Ayon kay Devanadera, ang mga lugar na sineserbisyuhan ng Manila Electric Company (Meralco) ay magkakaroon ng P13 dagdag sa kanilang bayarin sa kuryente, habang ang sineserbisyuhan naman ng mga coal powerplant ay may P12 dagdag-singil.