Ni Gilbert Espeña
MARAMING natutunan si IBF No. 13 Ernesto Saulong sa pagsasanay niya sa kampo ni IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas sa Magallanes, Cavite na magagamit niya sa kanyang paghamon sa Hapones na si IBF super featherweight champion Ryosuke Iwasa sa Tokyo, Japan sa Marso 1.
May kartadang 21-1-1 na may 8 panalo lamang sa knockouts, kumbinsido si Saulong na may kakayahan siya para talunin si Iwasa na may rekord namang 24-2-0 na may 16 panalo sa knockouts.
“Magaling din iyong kalaban ko. Malakas at marami nang na-knockout,” sabi ni Saulong sa Philboxing.com sabay pag-amin na maganda ang karansan niya bilang sparring partner ng kaliweteng si Ancajas.
“Iyong makakalaban ko ngayon magaling din gumalaw tulad ng sa kanya (Ancajas). Kaya nakakakuha din ako sa kanya ng idea kung paano ko pasukin ang kalaban ko,” diin ni Saulong na kilalang bara-bara kapag nasa ibabaw ng ring.
“Masaya na may konting kaba. First time ko lang makakalaban para sa world title,” dagdag ng 28-anyos na si Saulong na may tatlong sunod-sunod ang panalo mula nang mapuntusan ni dating IBO super flyweight champion Lwandile Sityatha sa South Africa noong 2015.
“Pinaghahandaan naming mabuti, inaayos namin ang training para sa laban na ito,” ani Saulong. “Matagal na rin akong lumalaban, buti nabigyan ako ng tsansang makalaban para sa world (title).”
Kinumpirma ng manedyer ni Saulong na si Ariel Araja na magsisilbing undercard ang sagupaan nina Iwasa at Saulong sa rematch nina WBC bantamweight champion Luis Nery ng Mexico at dating kampeon na si Shinsuke Yamanaka ng Japan.
“It’s going to be an interesting fight since Iwasa is a stylish kind of fighter while Saulong is a slugger,” sabi Araja sa Rappler.com. “[We’ll] see how he could cut the ring to avoid Iwasa from running. I think he has a good chance to bring home the title.”
“This is what Saulong has been looking for in his career,” sabi naman ni trainer ni Saulong na si Joven Jimenez. “He needs to win by KO.”