Ni Gilbert Espeña
MULING pinatunayan ni Grandmaster (GM) Julio Catalino Sadorra na isa pa rin siya sa pangunahing chess players ng Pilipinas matapos magkampeon sa 10th Annual Chesapeake Open Chess Championships kamakailan sa Bethesda North Marriott Hotel & Conference Center sa Rockville, Maryland sa United States.
Giniba ni Sadorra si US Master Jeevan Karamsetty mula sa India sa final round tungo sa walang talong 6.5 points sa seven outings para makopo ang top prize na may halagang US$2,000.
Nakapagtala naman sina GM Alexander Fishbein ng United States at IM Praveen Balakrishnan ng India ng tig 5.5 points para sa ikalawa at ikatlong puwesto.
Sa pagwawagi, matagumpay na naidepensa ni Sadorra ang korona dahil kampeon din siya sa torneong ito noong nakaraang taon kapantay si Filipino GM Mark Paragua taglay ang tig-anim na panalo sa pitong laro.
Sa Under 2000 section, nagbigay ng karangalan sa Pilipinas si Jelvis Arandela Calvelo matapos pumuwesto sa 2nd overall.
Ang 38 anyos na si Calvelo ay nagwagi kay Russian Konstan Molodtsov sa 7th at final round tungo sa 5.5 points sa 5 panalo, 1 talo at 1 tabla.
“I would like to dedicate my victory to my countrymen. It’s an honor to represent our country,” sabi ni Calvelo na nakatakdang lumahok sa 2018 Cleveland, Ohio Open Chess Championships sa Enero 26-27.
Pinarangalan naman ni Philippine Executive Chess Association (PECA) founding president Atty. Cliburn Anthony A. Orbe ang tagumpay nina Sadorra at Calvelo na magandang pagbubukas sa kampanya ng bansa sa taong 2018.
“They make our country proud.”sabi ni Atty. Orbe na vice president rin ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP).