PARA sa libu-libong sumasakay sa Metro Rail Transit (MRT) araw-araw, sa harap ng napakalaking posibilidad na bigla na lamang itong huminto o tumirik kung saan at pababain sila, isang napakagandang balita ang tungkol sa pagpapalitan ng Japan at Pilipinas ng Note Verbale para sa rehabilitasyon at pagmamantine ng MRT-3.

Ngayong bagong taon ng 2018, nakapagtatala na lamang ng isang insidente ng pagtirik ng MRT kada araw—isang malaking improvement kumpara sa dalawa hanggang tatlong beses na pamemerhuwisyo sa mga pasahero bawat araw. Maraming beses na kinailangan ng mga pasahero na maglakad sa riles pabalik sa istasyon matapos na biglang huminto ang tren sa kalagitnaan ng biyahe. Noong Nobyembre, kumalas ang isang bagon mula sa isa pa at walang nagawa ang mga pasahero kung hindi tanawin ang papalayong tren na nagpatuloy sa pagbiyahe.

Sa unang 12 taon nito—simula 2000 hanggang 2012—maayos ang naging operasyon ng MRT-3, at ang pagmamantine rito ay pinangasiwaan ng Sumitomo ng Japan kasama ang Marubeni. Taong 2012 nang pinalitan ng mga opisyal ng pamahalaan ang Sumitomo ng serye ng iba’t ibang kumpanya, at nagsimula nang magsulputan ang mga problema.

Nitong Enero 9, inihayag ng Department of Transportation (DOTr) ng bagong administrasyong Duterte na nagkaroon ng kasunduan ang Japan at Pilipinas sa programa para isailalim sa rehabilitasyon ang MRT system, kasama ang Official Development Assistance (ODA), sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Sa tulong ng pagpopondong ito—may 0.1 porsiyentong taunang interes sa loob ng 40 taon at may grace period na 12 taon para sa principal—magsasagawa ng feasibility study ang JICA upang matukoy ang sasaklawin ng proyekto. Pagkatapos, magrerekomenda ito ng isang kuwalipikadong rehabilitation at maintenance provider na may mapagkakatiwalaang track record. Ang utang at ang iba pang kasunduan ay lalagdaan simula Marso hanggang Abril at sisimulan ang proyekto sa ikalawang quarter ng taon.

Kasabay ng programa sa rehabilitasyon ng MRT, mayroong legal na pagsisikap upang mapanagot ang mga opisyal sa nakalipas na administrasyon na responsable sa pagpapalit ng orihinal na maintenance firm na hinalinhan ng malinaw namang hindi mahusay na kumpanya, na nagresulta sa mga problemang gumigiyagis sa MRT simula 2012. Nasampahan na ng kasong pandarambong ang mga nasabing opisyal, na kinabibilangan ng dalawang dating kasapi ng Gabinete ng administrasyong Aquino.

Isusulong ang mga kasong legal upang mapanagot ang mga kinakailangang managot, at inasahang magsisilbing halimbawa ito sa mga susunod na opisyal upang iwasan ang mga kaparehong pagkakamali. Para sa libu-libong pasahero ng MRT, sapat na ang napakagandang balita na masisimulan na sa wakas ang rehabilitasyon ng MRT upang hindi na sila mangamba pa sa posibilidad na itirik, ma-stranded o paglakarin sila sa riles ng mga pumapalyang tren ng MRT.