Ni Mina Navarro

Inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na maglalabas si Pangulong Duterte ng Executive Order (EO) na magpapalawig sa pagbabawal ng labor contracting sa mga industriya at kumpanya sa buong bansa, at anumang oras ay lalagdaan na ito ng Presidente.

“Hinihintay lamang namin ang pulong ng labor sector at ng Pangulo anumang araw ngayon hanggang sa susunod na linggo.

Sa gaganaping pulong, inaasahang pipirmahan ng Pangulo ang Executive Order na tutugon sa isyu ng kontraktuwalisasyon,” wika ni Bello.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon kay Bello, ang EO na binuo ng mga labor group “ay sinang-ayunan ng management group, kaya maganda ito.”

Sinabi pa ng kalihim na target ng kagawaran na gawing regular ang nasa 300,000 contractual employees ngayong taon.

Upang maabot ang target at mapabilis ang pagre-regular sa mga manggagawa, pinakilos na ng kalihim ang Undersecretary for Labor Relations na magbaba ng kautusan sa lahat ng regional office para makuha sa mga kumpanya sa buong bansa, ang listahan ng mga empleyado at kaukulang trabaho ng mga ito.

Dapat din, aniya, na magsumite ang mga kumpanya ng kanilang programa sa regularization.

Sa ngayon, mayroong 541 Labor Laws Compliance Officer (LLCO) na nagsasagawa ng assessment at nag-iinspeksiyon sa 937,554 na maliliit, katamtaman at malalaking kumpanya sa bansa.