Ni Martin Sadongdong at Jun Fabon
Binalasa ng Philippine National Police (PNP) ang 12 sa pinakamatataas na opisyal nito epektibo kahapon, kabilang ang police director na babalik sa Special Action Force (SAF), eksakto isang linggo bago ang anibersaryon ng Mamasapano clash noong Enero 25, 2015.
Ipinag-utos ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa ang third level re-assignment ni Director Noli Talino, mula sa Directorate for Human Resource and Doctrine Development (PNP-DHRDD) patungong SAF.
Minsan nang nagsilbing commander si Talino matapos niyang palitan si Director Getulio Napeñas, na sinibak makaraan ang Mamasapano encounter noong 2015, na ikinasawi ng 44 sa SAF.
Ni-re-assign si SAF commander, Director Benjamin Lusad sa Directorate for Integrated Police Operations sa Southern Luzon (DIPO-SL).
Tatlong iba pang police director ang ni-re-assign kabilang sina Director Cedrick Train, mula sa pagiging Directorate for Integrated Police Operations-Western Mindanao (DIPO-WM) ay itinalagang DHRDD; Director Noel Constantino, mula sa pagiging Directorate for Police Community Relations (DPCR) ay naging DIPO-WM; at Director Eduardo Serapio, mula sa Directorate for Integrated Police Operations-Southern Luzon (DIPO-SL) ay naging DPCR.
Bukod diyan, pitong chief superintendent ang binalasa rin: sina Chief Supt. Elmo Francis Sarona, mula sa pagiging Police Regional Office (PRO) director sa Cordillera ay napunta sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM); Chief Supt. Edward Carranza, mula sa PNP-Health Service ay naging PRO-Cordillera director; at Chief Supt. Emmanuel Luis Licup, na mula sa PNP-Directorate for Operations (DO) ay naging hepe ng PRO-Mimaropa.
Kabilang din sina Chief Supt. Wilben Mayor, hepe ng PRO-4B na ni-re-assign sa DO; Chief Supt. Robert Quenery, mula sa PRO-2 ay nalipat sa PRO-7; Chief Supt. Timoteo Pacleb, mula sa PRO-10 ay nalipat sa PRO-2; at Chief Supt. Jose Mario Espino, na mula sa PRO-7 ay nalipat sa PRO-10.