Ni Aris Ilagan

HINDI ba kayo nagtataka kung bakit tila lumalala ang kakulangan ng mga pampasaherong jeepney na bumibiyahe sa Metro Manila?

Nitong mga nakaraang araw, kapansin-pansin ang pagdami ng mga commuter na walang masakyang jeepney.

Nakapanlulumong tingnan ang mga commuter na tila nag-aabang sa wala sa tabi ng kalsada.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kabilang sa mga naiipit sa kawalan ng masasakyan ang mga estudyante at empleyadong naghahabol sa oras sa pagpunta sa kanilang destinasyon.

Kapansin-pansin ang ganitong eksena sa FTI Taguig area, Pasay-Rotonda at Taft Avenue.

Ito na ba ang epekto ng Tanggal Bulok, Tanggal Usok na ipinatutupad ng pamahalaan?

Kung ganito ang epekto, ano kaya ang maaaring gawin ng gobyerno upang maibsan ang kalbaryo ng mga commuter?

Mistulang isang mahabang sawa ang pila ng mga commuter na nag-aabang ng jeepney sa mga terminal.

Umaga pa lang ay aburido na ang mga ito at marahil pagdating sa kanilang destinasyon ay mainit na ang kanilang ulo.

At marahil, maging ang kanilang gawain sa araw na iyon ay apektado rin.

Habang pinaghuhuli ang mga bulok at kakarag-karag na jeepney, wala naman tayong natatanaw na mga bagong sasakyan bilang kapalit ng mga ito.

Oo nga’t pabor tayo sa pagtatanggal ng mga karag-karag na jeepney, kasama na ang mga bumubuga ng maitim na usok, subalit mayroon bang agarang kapalit ang mga ito upang may masakyan ang mga commuter?

Dito pa lang ay makikita na natin na hindi na naman napaghandaan ng gobyerno ang ganitong problema at ang masaklap, mga commuter ang napeperwisyo.

Imbes na ma-impound ang kanilang jeepney, mas nanaisin ng mga driver nito na huwag na lang bumiyahe upang makaiwas sa pagkakahuli at pagbayad ng malaking multa sa awtoridad.

Hindi na ito isang jeepney strike, ngunit talagang tigil-pasada.

Ang tanong? Maoobliga ba ng gobyerno na bumiyahe ang driver na ayaw bumiyahe?

Ang isa pang tanong, papayag ba ang gobyerno na magtalaga ng mga bus at iba pang sasakyan nito upang may masakyan ang mga kaawa-awang pasahero sa Metro Manila?

Kayong mga taga-Department of Transportation (DOTr), sana’y makapagikot-ikot kayo tuwing umaga sa mga susunod na araw upang kayo mismo ang makasaksi sa kalbaryo ng mga pasahero.

Hindi ‘yung lalabas lang kayo upang magpa-pogi sa media sa tuwing manghuhuli sa EDSA.

Isipin n’yo kung ang anak niyo ang sumasakay sa mga jeepney at naiipit ito ng mahabang oras dahil walang masakyan.

Dapat agad ninyo itong masolusyunan bago tuluyang ipatupad ‘yang Tanggal Bulok, Tanggal Usok.