Ni Reggee Bonoan
SUNUD-SUNOD ang tanong ng readers sa amin kung ano ang dahilan ng hiwalayan ni JC Santos at ng stage actress na si Teetin Villanueva at sino ang stylist na binabanggit bilang third party.
Sabi namin, abangan ang panayam ni JC sa Tonight With Boy Abunda (umere nitong Martes ng gabi) dahil doon inamin ng aktor ang lahat at kung ano ang dahilan ng pag-aaway nila.
Walang stylist, dahil ang third party ay ang career ni JC na mas inuuna niya kaysa kay Teetin na karelasyon niya ng apat na taon.
Nabanggit na noon pa ni JC na mahirap makipagrelasyon sa katrabaho.
Hindi namin masagot ang tanong naman sa amin ng mga nakabasa ng Instagram post ni Teetin tungkol kay JC na, “he can’t be trusted,” kung bakit nabura na?
Maaaring nakiusap si JC na tanggalin dahil nakakasira sa promo ng pelikulang Mr. & Mrs. Cruz nila ni Ryza Cenon.
Pero ang sabi ng taong pinagtanungan namin, “Imposibleng nakiusap, hindi nga nag-uusap, di ba? Galit na galit nga ‘yung girl. Kasi feeling niya niloko siya. So, naisip niya siguro na mali siya at hello, halatang bitter siya kasi hindi siya nakakuha ng sympathy.”
Hmmm, baka naman kasi nu’ng i-post ay sobra pa ang galit ni Teetin at nu’ng humupa na, e, tinanggal at baka naisip niyang mali siya.
Kapansin-pansin ngang iilan lang ang nakikisimpatiya kay Teetin nu’ng mag-post siya ng hindi magagandang salita laban kay JC. Halos lahat ay kampi sa aktor, na tama lang na unahin ang career habang mabenta siya ngayon at kapag sumikat nang husto at nakaipon na, e, sino ba ang magbe-benefit, hindi ba silang dalawa rin?
Inamin naman ni JC sa interview ni Kuya Boy sa kanya na hindi niya nasuklian ang pagmamahal na ibinigay sa kanya ng ex-girlfriend niya dahil nga abala siya sa career niya kaya ang final say niya, “I’m sorry, you deserve someone better.”
Base sa mga post ni Teetin ay may pagkaselosa siya at maaaring nabigyan niya ng ibang kahulugan ang lahat ng babaeng lumalapit kay JC na sa kabilang banda ay nagiging nice at gentleman lang naman dahil kailangan siyempre niyang makisama. Bahagi ito ng showbiz, maging extra nice sa sinuman, bagay na hindi siguro ma-gets ng una.
Lalo na nga’t bihira na pala silang magkita so, inakala ni Teetin na nagbago o may iba na nga si JC. Kaya ang ending, sinabi niyang, ‘He can’t be trusted. Stylist is one of the many.’
Nag-imbestiga kami tungkol sa sinasabing stylist na nakadikit kay JC at kuwento ng aming source, “Walang stylist na kasama sa shooting sa Mr. & Mrs. Cruz sa Palawan dahil ang naging stylist nila ay si Direk Sigrid (Bernardo).
Nagtipid ang production, eh. Kaya imposible ‘yung stylist na ‘yan. Baka naman si Direk Sigrid ang pinagseselosan, ha-ha-ha.”
Nang tanungin si JC kung mahal pa niya si Teetin, inamin niyang mahal pa niya ito dahil apat na taon din silang naging magkarelasyon.
Well, years doesn’t count, what important is ‘yung lalim ng pinagsamahan.