Nina Rommel Tabbad at Fer Taboy at ulat ni Francis T. Wakefield
Pinawi ng Philippine Instutute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pangamba ng mga residente sa palibot ng nag-aalburotong Bulkang Mayon na matutulad ang sitwasyon nito sa pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1991.
Paglilinaw ni Phivolcs Director Renato Solidum, Jr., malayong matulad sa pagsabog noon ng Pinatubo ang kalagayan ngayon ng Mayon.
Ayon kay Solidum, magkaiba ang composition ng magma ng dalawang bulkan, at posibleng magdulot lamang ng lava flow at paglala ng sulfur dioxide emisison ang Mayon.
Hunyo 15, 1991 nang halos 800 katao ang nasawi at daan-libong residente ang nawalan ng tirahan nang sumabog ang Pinatubo.
Samantala, nakapagtala ang Phivolcs ng 143 lava collapse events ng Mayon simula noong Martes ng umaga hanggang kahapon.
Kasabay nito, mahigpit naman ang pagbabantay ng pulisya sa mga residenteng nagpupumilit pa ring makapasok sa six-kilometer radius na permanent danger zone.
Sinabi ni Chief Insp. Arthur Gomez, tagapagsalita ng Albay Police Provincial Office (APPO), na nagsagawa na ng mga chokepoint sa mga apektadong lugar upang hindi makalusot ang ilang residente na mangangahas na pumasok sa danger zones.
Gayunman, pinapayagan pang makapasok sa 8-km extended danger zone, gayundin sa 7-km extended danger zone ang ilan upang manguha ng mga gulay, ngunit kinakailangan pa rin na may go-signal mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na nakasasakop na bayan.
Inihayag naman kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na aabot na sa 9,480 pamilya o 38,939 na katao mula sa 36 na barangay sa Albay ang inilikas dahil na rin sa banta ng lahad at mud flows.
Sinabi ni NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan na nakatuloy sa 30 evacuation center ang nasabing bilang ng evacuees.
Isinailalim na nitong Martes sa state of calamity ang Albay.