Ni MARY ANN SANTIAGO

Pinag-aaralan ng Philippine National Railways (PNR) ang posibilidad na i-ban sa pagsakay sa kanilang mga tren ang isang lalaki na nasa isang viral video na puwersahang binubuksan ang pintuan ng bumibiyaheng tren.

Ayon kay PNR Acting Operations Manager Jo Geronimo, pinaiimbestigahan na nila ang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng pasahero.

Sa naturang video na kumalat sa mga social media, makikita ang pasaherong lalaki na iniipit ang paa sa tuwing magsasara na ang pintuan ng tren at aalis na sa hinintuang istasyon kaya hindi ito tuluyang sumasara.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa pagtakbo ng tren, pinupuwersang buksan ng lalaki ang pintuan at saka tila nagpapahangin at pinagmamasdan ang mga lugar na dinaraanan ng tren.

Ginawa umano ito ng lalaki sa lahat ng dinaanang istasyon ng tren, hanggang sa tuluyan na itong bumaba sa Blumentritt station.

Bagamat walang napinsala sa tren at sa mga pasahero, tiniyak naman ng PNR na hindi nila palalampasin ang naturang insidente upang magsilbing aral sa ibang pasahero.

Sinabi ni Geronimo na nakababahala ang ginawa ng pasahero dahil maaari itong nagdulot ng disgrasya, na maaaring mauwi sa pagkamatay.

Aniya, maging ang mga security lapses ng kanilang mga personnel ay pinaiimbestigahan din upang malaman kung bakit at paano nakalusot ang ginawa ng pasahero.