NAGPASYA ang mga senador sa bansa na ipagtanggol ang institusyon sa mga pagtatangkang buwagin ito sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Konstitusyon sa isang Constitutional Assembly (Con-Ass).
Malayang pinag-uusapan ng mga pinuno ng Kamara de Representantes at ng partido ng administrasyon na PDP-Laban ang pagbubuo ng federal na uri ng pamahalaan, na may lehislaturang unicameral na maghahalal ng Prime Minister upang pamunuan ang bansa, kaysa isang Pangulo. Sa sistemang ito, hindi na kakailanganin pa ang Bise Presidente.
Upang maisakatuparan ang lahat ng ito sa isang Constituent Assembly, nais ng mga opisyal ng administrasyon at ng mga pinuno ng Kamara na magkaroon ng joint session na magkasamang boboto, kung saan mahigit 300 kongresista at 24 na senador ang magpapasya sa lahat ng usapin.
Sa umiiral na 1987 Constitution, nakasaad na ang Con-Ass, na bubuuin ng lahat ng kasapi ng Kongreso, ay maaaring magmungkahi ng mga pag-amyenda sa Konstitusyon. Nakasaad sa Section 1(1) ng Article XVII ng Konstitusyon na ang anumang pag-amyenda o pagbabago ay maaaring ipanukala ng “Congress upon a vote of three-fourths of all its Members.”
Sinabi ng mga pinuno ng Kamara na nangangahulugan ito na ang lahat ng kongresista at senador ay kinakailangang magsama-sama at bumoto bilang iisa.
Gayunman, binigyang-diin ng mga senador na hindi nakasaad ang sama-samang pagboto sa nasabing probisyon. Sa katunayan, sa lahat ng hakbangin ng Kongreso ay itinatakda ng Konstitusyon ang hiwalay na pagboto—gaya ng proseso ng impeachment, pagdedeklara ng digmaan, at pagpapatibay sa mga batas.
Dahil dito, naghain si Senator Panfilo Lacson ng Senate Resolution 580 upang magsama-sama ang mga senador sa pagpapanukala ng pag-amyenda sa Konstitusyon, sa pamamagitan ng three-fourths ng boto ng lahat ng miyembro nito.
Aniya, maaaring magsagawa rin ng kaparehong asembliya at magpanukala ng pag-amyenda sa batas sa pamamagitan ng three-fourths na boto ang Kamara. At ang anumang pagkakaiba sa kanilang mga desisyon ay tatalakayin sa bicameral conference committee.
Dahil ito ay isang usaping konstitusyonal, nasa Korte Suprema pa rin ang pasya. Subalit gaya ng binigyang-diin, hindi malinaw sa Konstitusyon kung kailangan bang magsama ang dalawang kapulungan o magkahiwalay na bumoto ang mga ito.
Kung ganito, malaki ang posibilidad na hindi mareresolba ang problema, nang walang napagkakasunduan para sa bansa.
Ito ang malaking problemang kinahaharap ngayon ng mga opisyal ng administrasyon at ng mga pinuno ng Kamara na umasang magiging madali lang ang proseso sa pagbubuo ng bagong Konstitusyon sa federal na uri ng gobyerno.
Kung nanindigan lamang sila sa pangunahing layunin ng federalism, naging madali lang sana ang lahat para sa kanila.
Subalit naghangad sila ng higit pa. Sinimulan nilang magbanggit ng tungkol sa pagbuwag sa Senado, pagbuwag sa Office of the Vice President, at pagpapalawig sa kani-kanilang termino sa pansamantalang panahon ng adjustment.
Hindi basta papayag ang Senado na mabuwag ito. Sa halip na Con-Ass, nanawagan ng Con-Con si Senate Minority Leader Franklin Drilon upang amyendahan ang Konstitusyon. Subalit sakaling manaig ang Con-Ass, itinatakda ng Resolution 580 ni Senator Lacson ang sariling pagsasama-sama ng Senado para aprubahan ang sarili nitong pag-amyenda sa Konstitusyon, at ang anumang hindi pagkakatulad sa napagkasunduan sa Con-Ass ng Kamara ay reresolbahin ng bicameral conference committee.
Biglang hindi na ang”done deal” na inakala ng marami ang Charter Change (Cha-cha).