Ni Marivic Awitan
IPINAGPALIBAN ng Ube Media Inc. – organizers ng pamosong LeTour de Filipinas – ang pagsikad ng ika-9 na edisyon bunsod nang pagalburuto ng Bulkang Mayon.
Ang ika -9 na edisyon ng Le Tour de Filipinas ay nakatakda sanang idaos sa Pebrero 18 – 21. Kabilang sa rutang aprubado ng technical committee ay ang mga bayan sa kapaligiran ng bulkan.
Ang kaligtasan ng lahat ng kalahok sa karera sampu ng mga host communities ang isinaalang -alang ng organizer na Ube Media Inc., kung kaya ipinagpaliban ang karera.
Hanggang noong Martes ng hapon, itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology hanggang Alert Level 4 ang babala para sa posibleng matinding pagputok ng Mayon.
Ipinaalam na rin sa pamunuan ng International Cycling Union, o UCI, ang nangyaring postponent, gayundin sa mga kalahok na mga, foreign at local, teams.
Pinayuhan din nila ang lahat na maghintay na lamang ng susunod na abiso kung kailan itutuloy ang karera.