Ni AARON B. RECUENCO

Isang opisyal ng pulisya na kapo-promote lang ang sinayang ang kanyang career makaraan siya umanong maaktuhan sa pangongotong sa entrapment operation sa Pampanga nitong Martes ng gabi.

Bulanadi copy

Arestado si Chief Insp. Romeo Bulanadi, na kasalukuyang hepe ng Sasmuan Police sa Pampanga.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nabatid na noong nakaraang taon lamang na-promote si Bulanadi bilang Chief Inspector.

Batay sa bagong suweldo ng mga pulis, ang may ranggong Chief Inspector ay tatanggap na ngayon ng P54,799 kada buwan mula sa dating P37,313, bukod pa sa iba pang mga allowance.

Subalit sinayang ni Bulanadi ang kanyang career sa halagang P30,000 lamang, ayon kay Senior Supt. Chiquito Malayo, hepe ng Counter-Intelligence Task Force (CITF)—ang anti-scalawag unit ng Philippine National Police (PNP).

“Subject chief of police demanded P30,000 from a perya operator and prevented the latter to haul away their equipment unless the money is given,” sabi ni Malayo. “He personally received the money, that’s the time that he was arrested.”

Ayon kay Senior Supt. Malayo, kakasuhan ng robbery extortion si Bulanadi bukod pa sa mga kasong administratibo na kahaharapin nito.

Ikinasa ng CITF ang operasyon sa Pampanga laban kay Bulanadi ilang oras makaraang maaresto ng task force ang anim na pulis dahil din sa pangongotong sa mga negosyante nang tumao sa checkpoint sa Caranglan, Nueva Ecija.

Iniutos na ni Police Regional Office (PRO)-3 director Chief Supt. Amador V. Corpus ang pagsibak sa puwesto kina SPO1 Antonio Otic, PO3 Danilo Sotelo, PO3 Ronnal Buncad, PO3 Oliver Antonio, PO2 Rodrigo Edralin, at PO2 Romeo Nunez III, ayon kay Senior Supt. Malayo.

Dakong 1:20 ng umaga nitong Martes nang maaresto ang anim na pulis at dalawang sibilyang kasabwat nila na sina Ramon Cabilangan at Darwin Lagisma.

May ulat ni Light A. Nolasco