Ni Lyka Manalo

BATANGAS CITY - Inaasahang luluwag na ang daloy ng trapiko sa Batangas City kapag natapos ang ipinapagawang ikatlong Calumpang Bridge at diversion road sa lungsod.

Ayon kay Batangas City Rep. Marvey Mariño, matatapos ngayong Mayo ang 3rd Calumpang Bridge na pinondohan ng lungsod ng P320 milyon mula sa inutang sa Land Bank of the Philippines.

Ang proyektong ito ay ginagawa ng Frey-fil Corporation na ginamitan ng box girder super structure design at sinasabing magiging kauna-unahan sa buong bansa.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

May dalawang tulay na ginagamit ang motorista sa kasalukuyan, na tumatawid ng Calumpang River—ang Bridge of Promise at Calumpang Bridge, mula sa bayan patungo sa bahagi ng silangan at timog na mga barangay kung saan nakatayo ang mga industrial sites.

Ang ikatlong tulay ang mag-uugnay sa Sitio Ferry, Barangay Kumintang patungo sa Bgy. Gulod Labac na may apat na lane—140 metro ang haba at 15 metro ang lapad.

“By May, I got an assurance from the contractor na tapos na yan, hindi ninyo nakikita pero ginagawa na ‘yun (bridge) somewhere, dadating dito ‘yun, ipapatong na lang,” sabi ni Mariño.

Samantala, kasalukuyan nang nakikipagnegosasyon ang pamahalaang lungsod para sa pagsasaayos ng right of way upang masimulan ang Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway exit-Pinamucan diversion road.

Mula sa STAR Tollway, hindi na dadaan sa loob ng city proper ang mga sasakyang galing sa Maynila patungo sa mga barangay simula sa Pinamucan.

Ang lokasyon ng 18.6-kilometer 4-lane access road na may halagang P2.532B ay binisita na ni Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong Nobyembre.

Pinondohan na umano ng city government ang pagproseso ng right of way para masimulan na ng DPWH ang proyekto, ayon sa kongresista.