Ni Freddie C. Velez
CAMP GENERAL ALEJO SANTOS, Bulacan – Isang lalaki ang napatay sa buy-bust habang apat na iba pa, kabilang ang dalawang menor de edad, ang naaresto sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operation ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) nitong Martes ng gabi.
Kinilala ni Bulacan PPO director Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr. ang napatay na si Edwin Espinosa.
Sa kanyang report kay Senior Supt. Caramat, sinabi ni Bocaue Police chief Supt. Jowen Dela Cruz na nagkaroon ng engkuwentro ang kanyang mga tauhan kay Espinosa nang ikasa ang buy-bust operation sa Barangay Batia nitong Martes ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, nang makahala
ta umano si Espinosa na buy-bust ang transaksiyon ay kaagad itong bumunot ng baril at pinagbabaril ang mga pulis kaya gumanti ng putok ang mga awtoridad hanggang sa mapatay ang suspek.
Nasamsam mula sa pinangyarihan ng bakbakan ang 20 plastic sachet ng hinihinalang shabu na aabot sa 10 gramo at nagkakahalaga ng P50,000, isang .38 caliber revolver na may dalawang fired cartridge case, tatlong bala, pitong fired cartridge case ng .9mm caliber, at buy-bust money.
Sinabi pa ni Senior Supt. Caramat na nadakip din ng Bulacan PPO ang apat na drug suspect sa magkakaibang operasyon kontra droga sa San Jose Del Monte City, Guiguinto, at Plaridel kung saan nakakumpiska ang mga awtoridad ng 10 plastic sachet ng hinihinalang shabu, buy-bust money, at drug paraphernalia.
Arestado sina Marvin Magno Quejada, 37, may asawa, walang trabaho, at residente ng Francisco Homes, Bgy. Yakal, SJDM; Rogelio Cardenas Hermogenes, 57, ng Kabilang Bacood, Bgy. Sta. Rita, Guiguinto; isang 17-anyos na babae; at isang 16-anyos na lalaki, tubong Bicol, at kapwa taga-Bgy. Banga 2nd, Plaridel.