Ni Lyka Manalo
BATANGAS CITY, Batangas – Inaprubahan nitong Lunes ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ang resolusyon na nananawagan sa mga ahensiya ng pamahalaan upang ipatupad ang Republic Act 9462, na nagpapalit sa pangalan ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway para gawing Apolinario Mabini Superhighway (AMS).
Ang bayaning si Mabini ay isinilang sa Barangay Talaga sa Tanauan, na ngayon ay isa na sa tatlong siyudad sa Batangas.
Sa kanilang unang sesyon ngayong taon, sinabi ni 3rd District Board Member Alfredo Corona na panahon na upang palitan ang pangalan ng highway bilang pagkilala sa batas na inakda ng kababayang si Rep. Victoria Hernandez Reyes ng ikatlong distrito.
Pumanaw noong Setyembre 2016 sa edad na 62, si Reyes ang kauna-unahang babaeng board member na naihalal sa probinsiya na kumakatawan sa ikatlong distrito.
Ang nasabing panukala ay naaprubahan sa Kongreso noong Hunyo 6, 2005 at sa Senado noong Pebrero 19, 2007. Nilagdaan ito ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Mayo 15, 2007.
Isusumite ang nasabing resolusyon ng SP sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa pamunuan ng STAR Tollway, at sa Toll Regulatory Board (TRB).