Ni Celo Lagmay
NANG ibunyag ang tinatawag na “DoH mafia”, gusto kong maniwala na talagang halos imposibleng malipol ang mga katiwalian sa gobyerno. Maaaring ang naturang sindikato ang kinakasangkapan sa pandarambong ng pondo ng bayan at sa pagsusulong ng iba pang uri ng mga alingasngas.
Ang salitang mafia, sa aking payak na pagkaunawa, ay isang uri ng sindikato na determinadong gawin ang lahat ng naisin para sa kanilang sariling kapakinabangan. Sa mga sports competition, halimbawa, may mga pagkakataon na naipananalo nila ang mga talunang manlalaro sa paraang tila sila lamang ang nakakaalam. Hindi lamang sa larangang ito lumulutang, wika nga, ang kamandag ng mafia.
Sa pagbusisi sa gayong operasyon ng mafia, nais kong itanong: Ang pamunuan ng nakaraan at kasalukuyang pamunuan ng Department of Health (DoH) ay nagsabwatan kaya sa nakalululang P3.5 billion Dengvaxia vaccination program? Natitiyak ko na rito sesentro ang inaasahan nating imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ng sinasabing naturukan ng naturang bakuna.
Dahil sa nabunyag na DoH mafia, may mga sapantaha na ang halos lahat ng ahensiya ng pamahalaan ay pinamumugaran ng nabanggit na sindikato. Ang kontrobersiyal na P6.5 billion shabu shipment mula sa China ay hindi kaya kagagawan ng tinatawag na mafia sa Bureau of Customs? Ito kaya ay may kumpas ng nakatataas sa administrasyon?
May mga haka-haka rin na maging sa subasta o bidding ng bilyun-bilyong pisong kontrata sa mga kagawaran ng pamahalaan, kumikilos din ang mafia; sinasabing may pagkakataon na kahit na ang talunang bidders ay nananalo sa pakikipagkutsabahan sa mismong matataas na opisyal.
Totoo kaya ang mga sapantaha na namamayagpag din ang mafia maging sa Commission on Elections (Comelec), mga sangay ng hudikatura, lehislatura, mga korporasyon ng gobyerno, hanay ng mga pulis at sundalo at maging sa grupo ng ating mga kapatid sa propesyon. Tila hindi rin ligtas ang pribadong sektor sa naturang sindikato.
Sa anu’t anuman, nasa kamay ng kinauukulang mga responsableng ahensiya ang pagtutok sa ibinunyag na DoH mafia – at sa iba pang sindikato – upang malantad ang katotohanan; upang mapawi ang mga haka-haka na ang mga ahensiya ng pamahalaan ay pinamumugaran ng mga mafia na balakid sa paglikha ng isang malinis na gobyerno.