NAPAULAT ang pinakapambihirang klima at iba pang kalamidad sa Amerika sa nakalipas na mga buwan. Matapos ang ilang linggong pagliliyab ng kagubatan sa Southern California, nanalasa naman ang hanggang beywang ang taas na baha na epekto ng malakas na pag-ulan sa ilang bayan sa Santa Barbara county sa hilagang-kanluran ng Los Angeles. Nasa 17 ang nasawi sa mudslides sa isang komunidad sa Montecito.
Sa iba pang dako ng Amerika, bumagsak ang winter temperature sa hilagang-silangan at umulan ng niyebe sa mga lugar na tulad ng Florida, gayung karaniwan nang mainit sa timog-silangan. Apat na buwan pa lang ang nakalipas nang manalasa ang Hurricane Harvey sa Texas sa katimugan, habang sinalanta naman ng Hurricane Irma ang Puerto Rico na nasa katimugan ng Florida, na nagresulta upang mawalan ng supply ng kuryente ang malaking bahagi ng isla sa loob ng ilang linggo.
Maaaring nagkataon lamang, subalit ang lahat ng pambihirang kalamidad na ito ay nangyari lamang sa kaisa-isang bansa sa mundo na tumangging lumagda sa Paris Climate Agreement na napagkasunduan ng mahigit 200 bansa noong 2015. Ang Syria at ang Guatemala ang dalawang huling bansa na lumagda sa nasabing kasunduan noong huling bahagi ng 2017.
Alinsunod sa Paris Agreement, nagsumite ang mga bansa ng kani-kanilang plano para sa mga programa upang mabawasan ang paglalabas ng mga pabrika at iba pang industriya ng carbon dioxide na tuluy-tuloy na nagpataas sa pandaigdigang temperatura. Tinunaw nito ang glaciers, na nagpataas sa dagat at ngayon ay nagbabantang lumamon sa mga isla sa mabababang lugar. At nagbunsod din ng heat waves, pambihirang dami ng buhos ng ulan, at mas mapaminsalang bagyo.
Nagsumite ng sariling mga hakbangin ang Pilipinas, kabilang ang pagpapaigting nito sa paggamit ng renewable sources ng kuryente. Sa ngayon, karamihan sa kuryenteng ginagamit ng mga industriya at kabahayan ay likha pa rin ng coal at ng mga iba pang fossil-fuel power plant, subalit nangako tayo, gaya ng iba pang mga bansang lumagda sa Paris Agreement, na gagamit ng mas malinis na pagmumulan ng enerhiya, tulad ng solar, wind, biomass, hydro at geothermal.
Sa year-end report nito kamakailan, inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tututukan nito ngayong 2018 ang usapin sa polusyon sa hangin at sa pangangasiwa sa basura “in line with the pro-environment and the pro-people agenda of President Duterte.”
Dapat na ang mga pagsisikap ng Pilipinas at ng daan-daang iba pang bansa bansa sa mundo na lumagda sa Paris Agreement ay magawang maisakatuparan ang layuning malimitahan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura sa wala pang 2 degrees Celsius. Inihayag kamakailan ng China, ang pangunahing naglalabas ng heat-trapping greenhouse gasses sa mundo sa ngayon, ang programa nito sa malawakang paggamit ng mga sasakyang de-kuryente, mula sa dating ginagamitan ng gasolina.
Dahil dito, tanging ang Amerika na lang, ang ikalawang worst polluter sa planeta, ang pagmumulan ng pagpupursige para sa isang mas malusog na mundo, na walang matitinding bagyo at baha, bukod sa mababawasan din ang mga insidente ng sobrang tag-init o sobrang taglamig, at hindi na mangangamba ang mga bansang isla na gaya ng Pilipinas sa pagtaas ng dagat na maaaring lumamon sa kanilang mga komunidad. Inaasahan nating makikiisa na rin ang Amerika sa mundo at lagdaan din ang Paris Agreement para sa kapakinabangan ng lahat.