Ni Orly L. Barcala

Habang tinitipa ang artikulong ito, nasa bingit ng kamatayan ang isang miyembro ng Philippine Army (PA) matapos saksakin ng kanyang kalugar dahil sa pag-awat sa away sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Nakaratay sa Dr. Jose N. Rodriguez Hospital si Private First Class Noel Corpuz, residente ng Barangay Lalig, Tiaong, Quezon at pansamantalang nanunuluyan sa Bukid Area, Barrio Santo Cristo, Barangay 187, Tala, Caloocan City.

Siya ay nagtamo ng saksak sa tiyan at malalim na sugat sa kaliwang kamay.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sa nabanggit na ospital pinosasan ang suspek na si Eddie Rieta, nasa hustong gulang, alyas Bay, matapos ding isugod dahil sa mga pasa sa mukha makaraang gulpihin ng kanilang mga kapitbahay.

Sa imbestigasyon ni PO1 Eddielou Alon, nagwala ang suspek at hinamon ng away ang kanyang tiyuhin, dakong 9:30 ng gabi.

Narinig ni Corpuz ang pag-aaway kaya lumabas ito sa bahay at inawat ang magtiyuhin, ngunit sinaksak siya ng suspek.

Papatakas na si Rieta nang harangin ng kanilang mga kapitbahay at ginulpi.

Nahaharap ang suspek sa kasong frustrated homicide.