Ni PNA

HANGAD ng Department of Trade and Industry (DTI) na maabot ang mas maraming Pilipino ngayong taon sa pamamagitan ng mga training program nito upang maisulong ang kaalaman sa pagnenegosyo.

Inihayag ni DTI Secretary Ramon Lopez na ipagpapatuloy ng kagawaran ang pagpapatatag sa inisyatibo nito sa paggabay ngayong 2018 sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mas maraming pagsasanay at paghahanap ng mas maraming mentor na gagabay sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) at para sa mga nais magsimula ng sariling negosyo.

Idinagdag ni Lopez na noong 2017, nakapagsagawa ang DTI ng 121 Kapatid Mentor ME, at nasa 28,202 ang kabuuan ng mga dumalo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa kabuuang bilang ng dumalo, aabot sa 2,663 ang nakapagtapos ng Kapatid Mentor ME sessions.

Tinatayang 3,983 training din ang naisagawa sa ilalim ng SME Roving Academy (SMERA) nito na mayroong 138,942 partisipante.

Para sa 2018, sinabi ni DTI Undersecretary for Regional Operations Group Zenaida Maglaya na target ng kagawaran na paramihin ang mga makakapagtapos sa Kapatid Mentor ME sessions na mayroong 20 porsiyento ng kabuuang dadalo o partisipante noong nakaraang taon, o mahigit sa 5,000 mentees.

Idinagdag pa niyang mayroon na ngayong 460 mentor sa ilalim programang Kapatid Mentor ME ng DTI.

Sa ilalim ng Kapatid Mentor ME, magdaraos ang malalaking negosyo ng mga mentorship seminar sa MSMEs.

Binanggit din ni Maglaya na target ng DTI na doblehin ang mga partisipante ng SMERA ngayong taon na tinatayang aabot sa 300,000 katao.

“As we bring our services throughout the country, and they get to know more of our services, the demand [for our services] has increased. We make sure that we address their demands and deliver,” sabi ni Maglaya.