Ni Marivic Awitan

NAUNGUSAN ng College of St. Benilde ang Arellano University, 4-3, nitong Lunes upang makapuwersa ng do -or-die match para sa NCAA Season 93 men’s football championship sa Rizal Memorial Football Stadium.

Determinadong tapusin na ang laban makaraang makauna sa serye noong Game 1(3-2), naunang umiskor ng goal ang Chiefs sa pamamagitan ni Cyril Sanquilos sa ikapitong minuto.

Halos nasa kalagitnaan na ng second half nang makatabla ang Blazers sa pamamagitan ng goal ni Major Dean Ebarle sa ika-61 minuto.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

At gaya noong Game 1, hindi sumapat ang 90 minuto para alamin ang magwawagi sa laban kung kaya nagkaroon muli ng karagdagang 30 minutong extra time.

Ngunit, sa kasamaang palad, bigo pa ring makaiskor ng go-ahead goal sa extra time ang magkabilang panig kaya’t humantong ang laro sa penalty shootout.

Nagtabla sa iskor na 3-3 bago naipasok ng third-year winger na si Moiselle Alforque ang winning goal..

“Sobrang nakaka-nervous yung penalty,” ani Alforque pagkaraang tabla sa 1-1 ang iskor. “Sadyang blessing lang talaga po na naka-bawi kami sa penalties.”

Nakatakdang ganapin ang do or die game ngayong 6:00 ng gabi sa parehas ding venue.

Nauna rito, napanatili ng San Beda College Red Cubs ang juniors title matapos padapain ang College of Saint Benilde-La Salle Greenhills ,3-1.

Tatlong beses na naiwan sa regulation, tatlong beses ding itinabla ng San Beda ang laro sa pamamagitan ni season MVP JR Suba na siyang naghatid ng laro sa penalty shoout matapos ang ikatlo noyang goal sa extra time.

Ibinigay naman ng goalkeeper na si Jessie Semblante ang clincher para sa Red Cubs sa penalty shootout matapos niyang limitahan lamang sa isang goal ang LSGH.

“Hindi parin ako nawalan ng pag-asa,” pahayag ni Suba matapos makamit ng koponan ang ika-17 titulo sa liga “Sabi nga ni coach Aris Caslib, hangga’t hindi pinipito ng referee yung final whistle, wag kang susuko, may chance pa din.”

“Ayun nga, dumating yung chance. Patience lang. Dumating yung goal,” aniya.

Nahirang din si Suba bilang Best Striker, habang Best Goal Keeper naman si Semblante at Best Defender ang isa pang kakamping si Eldwin Escoro.

Pinarangalan naman si Red Cubs coach Jeff Cuayong bilang Coach of the Year habang ang iba pang awardees ay sina Raphael Santos ng LSGH bilang Best Midfielder, at University of Perpetual Help na nagtamo ng Fair Play Award.