Ni Danny J. Estacio
CALAMBA CITY, Laguna – Isang 17-anyos na lalaki ang natagpuang patay at may malaking taga sa likod ng ulo habang natatakpan ng mga dahon ng saging sa pagkakahandusay sa damuhan sa Barangay Saimsim sa Calamba City, Laguna, nitong Lunes ng umaga.
Batay sa police report, kinilala ang biktimang si Reniel F. Magabo, laborer, at taga-Purok 6, Bgy. Saimsim.
Ang kapatid ng biktimang si Bryan Magabo ang nakatuklas sa kanyang bangkay bandang 6:00 ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon, Linggo ng tanghali nang umalis ng bahay ang biktima upang magtungo sa kagubatan upang manguha ng panggatong.
Subalit 18 oras na ang nakalipas ay hindi pa rin umuuwi si Reniel kaya hinanap na siya ni Bryan.
Suspek sa krimen ang isang alyas “Tio Pio”, ng Bgy. Milagrosa, Calamba, na matagal nang nagrereklamo tungkol sa pagnanakaw umano ng biktima sa kanyang mga pananim.