MELBOURNE, Australia (AP) — Dalawang araw matapos patalsikin si Venus Williams sa first round, alsa-balutan na rin si Belinda Bencic sa Australian Open.
Nabigong makabangon sa maagang pagkakadapa si Bencic, nagwagi kay Williams, 6-3, 7-5, tungo sa malaking kabiguan kay Thai qualifier Luksika Kumkhum, 6-1, 6-3, nitong Miyerkules sa Melbourne Park.
Tangan ni Bencic, umabot sa career high No. 7 ranking, ngunit sumabak ngayong Australian Open bilang No. 78, ang 2-0 bentahe sa head-to-head duel sa 124th-ranked na si Kumkhum bago ang muling pagtatagpo.
Matikas namang nakabalikwas mula sa unang set na kabiguan si fourth-seeded Elina Svitolina para maitarak ang 4-6, 6-2, 6-1 panalo kontra Katerina Siniakova ng Czech Republic para makausad sa third round.
Bukod kay Svitolina, dalawa pang Ukrainian player ang sumasabak sa second round nang makaungos ang 15-anyo na si Marta Kostyuk at Kateryna Bondarenko.
Ginapi ni Kostyuk ang Australian wild-card entry na si Olivia Rogowska, 6-3, 7-5. Nagwagi siya sa opening round kontra 25th-seeded Peng Shuai ng China.
Ang panalo niya kay Peng ay nagdala sa kanya sa kasaysayan bilang pinakabatang player na nagwagi sa main-draw match sa Australian Open mula nang magawa ni Martina Hingis noong 1996.
Nagwagi naman si Bondarenko kay No. 15-seeded Anastasia Pavlyuchenkova, quarterfinalist dito sa nakalipas na taon, 6-2, 6-3.