Ni Aaron Recuenco
May mga pulis na hindi pa rin kuntento sa napakalaking itinaas ng kanilang suweldo simula ngayong buwan.
Anim na pulis sa Nueva Ecija ang inaresto makaraang mahuli umanong nangongotong sa mga negosyanteng dumadaan sa checkpoint sa bayan ng Caranglan kahapon ng madaling araw.
Dinakip sina SPO1 Antonio Otic, PO3 Danilo Sotelo, PO3 Oliver Antonio, PO2 Rodrigo Edralin, at PO2 Romeo Nuñez III, pawang nakatalaga sa Caranglan Municipal Police.
Ayon kay Senior Supt. Chiquito Malayo, hepe ng Counter-Intelligence Task Force (CITF) ng pulisya, naaresto rin sa nasabing operasyon bandang 1:30 ng umaga kahapon sa Barangay Digdig ang mga sibilyang sina Ramon Cabilangan at Darwin Lagisma.
“These two civilians acted as the collectors and were seen manning the checkpoint,” sabi ni Malayo.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang iba’t ibang denomination ng pera na aabot sa P2,440, at pawang dinala sa Camp Crame.
Ang anim na pulis ang unang naaresto ng CITF ngayong taon dahil sa pangongotong.
Mula sa buwanang suweldo na P21,771, ang may ranggong SPO1 ay sumasahod na ngayon ng P33,411 bukod pa sa longevity pay at iba pang allowances.
Ang may ranggong PO3 naman ay sumusuweldo na ngayon ng P32,114 mula sa dating P18,655, habang ang PO2 na dating sumasahod ng P16,934 ay tumatanggap na ngayon ng P30,867.
Una nang nagbabala si Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa sa mga pulis na kaagad sisibakin ang sinumang pulis na masasangkot sa ilegal na aktibidad ngayong wala nang dahilan ang mga ito upang gumawa ng ilegal dahil na rin sa halos pagdoble sa suweldo ng mga ito.