Ni Annie Abad

TATLONG sports. Tatlong disiplina. Tatlong bayani ng bayan.

Sa hindi matatawarang tagumpay sa international scene na nagiwan ng marka sa mundo ng sports, ipagkakaloob ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang ‘Athlete of the Year’ kina boxing world champion Jerwin Ancajas, bowling golden girl Krizziah Lyn Tabora at billiard world champion Carlo Biado.

ancajas copy

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Pangungunahan nila ang Batch 2017 awardees sa taunang tradisyon ng ‘Gabi ng Parangal – itinataguyod ng MILO, Cignal at Philippine Sports Commission -- sa Pebrero 27 sa Maynila Hall ng makasaysayang Manila Hotel.

“The PSA is proud to announce Jerwin Ancajas, Krizziah Tabora, and Carlo Biado as its Athletes of the Year for 2017.

They are truly deserving of the award for the great honor they brought to the country with their respective victories in the world stage,” pahayag ni PSA president Dodo Catacutan ng SPIN.ph.

Nakalinya ring kilalanin ang galing at husay ng mga atleta at opisyal sa ipagkakaloob na President’s Award, Executive Award, National Sports Association (NSA) of the Year, major awardees, sa programa na may ayuda rin ng Mighty Sports, Rain or Shine, Globalport, at Philippine Basketball Association (PBA).

Sinimulan ni Ancajas, 25, ang taong 2017 sa impresibong pagdepensa sa kanyang International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight title via TKO sa ikapitong round kontra Mexican Jose Alfredo Rodriguez nitong Enero sa Macau.

Ang pamosong fighter mula sa Panabo, Davao del Norte at sumasagupa sa pangangasiwa ng Manny Pacquiao Promotions, ay matagumpay ding nagwagi sa dalawang pagdedepensa kina Teiru Kinoshita ng Japan sa Brisbane, Australia (6th round TKO) at dating walang talong si Irishman Jamie Conlan sa Belfast, Ireland (6th round TKO).

Lumagda siya ng dalawang taong kontrata sa Top Rank Promotions – ang humawak sa career ni Pacquiao. Ayon kay Top Rank boss Bob Arum si Ancajas ang ‘next Pacquiao.’

Ginapi naman ni Tabora ang mga beteranong karibal para maiuwi ang korona sa 53rd QubicaAMF Bowling World Cup sa Hermosillo, Mexico nitong Nobyembre. Siya ang unang Pinay na naging world champion matapos ang 14 na taon.

Ginapi niya si Siti Safiyah Amirah Abdul Rahman ng Malaysia sa final, 236-191, para tanghaling ikalimang Pinoy na naging world champion sa likod nina bowling greats Paeng Nepomuceno, namayapang si Lita dela Rosa, Bong Coo, at CJ Suarez.

Higit na naging masaya ang Kapaskuhan ng Pinoy nang mangibabaw si Biado sa World 9-Ball championship nanang gapiin si Ronald Garcia, 13-5, sa all-Pinoy finals sa Doha, Qatar.

Nakopo rin ni Biado ang gintong medalya sa Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia nitong Agosto, at World Games sa Poland. Nakalinya siya kina Efren ‘Bata’ Reyes (1999), Alex Pagulayan (2004), Ronnie Alcano (2006), at Francisco ‘Django’ Bustamante (2010) bilang tanging Pinoy na world champion.