Ni Light A. Nolasco

TALAVERA, Nueva Ecija – Patay ang isang 38-anyos na babaeng secretary ni Nueva Ecija Gov. Czarina Umali habang sugatan naman ang asawa nito makaraang pagbabarilin ng hindi nakilalang riding-in-tandem habang nagpapagasolina sa Purok 2, Barangay Marcos sa Talavera, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Mary Anne Hernandez y Guevarra, 38, secretary ni Umali, habang sugatan naman ang asawa niyang si Carlito Hernandez y Domingo, 43, kapwa taga-Zone 6, Bgy. Pag-asa.

Dakong 6:30 ng gabi at sakay ang mag-asawa sa kanilang Isuzu DMax galing sa Baguio City kasama ang dalawa nilang anak, isang kamag-anak at isang kasambahay nang magpagasolina sa lugar.

Probinsya

21 estudyante sa Negros, naospital dahil sa expired na tsokolate

Bigla umanong nilapitan ng mga suspek ang sasakyan at malapitang pinagbabaril ang mag-asawa, ayon sa police report.

Narekober sa lugar ng insidente ang pitong gamit nang cartridge case at dalawang basyo ng bala ng .45 caliber pistol.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa motibo ng pamamaril at pagkakakilanlan ng mga suspek.